Tugade

LTO ipinapatawag drayber, SUV owner sa ilegal na pagpasada

January 24, 2023 Jun I. Legaspi 131 views

IPINATATAWAG na ng Land Transportation Office (LTO) upang pagpaliwanagin ang drayber at may-ari ng SUV (sport utility vehicle) na umano’y ilegal na ginagamit sa pamamasada o pagiging “kolorum” umano.

Una nang naging viral sa social media ang reklamo ng ilang netizen laban sa drayber ng SUV na nagpapanggap umanong lehitimong Transportation Network Vehicle Service (TNVS) na pilit na kumukuha ng pasahero pero naniningil diumano ng mas mataas na pasahe.

Sa show cause order na ipinalabas ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO, inatasan ang nakarehistrong may-ari ng SUV at ang drayber nito na humarap sa ahensya sa darating Enero 31, alas-10 ng umaga.

Pinagsusumite ng paliwanag ang drayber kung bakit hindi siya dapat maharap sa kasong administratibo dahil sa pagiging kolorum o ang posibleng paglabag na “Private Motor Vehicle Operating as For-Hire” sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 2014-01 gayundin kung bakit hindi dapat masuspinde o mabawi ang lisensya ng pagmamaneho nito dahil sa pagiging “Improper Person to Operate a Motor Vehicle” alinsunod sa Republic Act (RA) 4136.

Maliban dito, naka-alarma na rin ngayon ang plaka ng SUV upang mapigilan ang ano mang transaksyon habang nagpapatuloy ang pagsisiyasat.

Sakaling mabigo ang may-ari at drayber ng SUV na humarap sa IID upang magpaliwanag ay mangangahulugan ito ng pagsuko ng kanilang karapatan na mailahad ang panig at magpapasya ang LTO IID batay sa mga nakalap na ebidensya.

“Hindi natin dapat makalimutan na ang driver’s license ay ibinibigay sa mga kuwalipikadong indibidwal bilang pribilehiyo ng gobyerno kaya’t hindi dapat inaabuso. Mas lalong hindi pupuwede na gamitin ang pribilehiyo na ito para manloko ng mga tao lalo ng mga pasahero na desperadong makauwi o makarating sa kanilang destinasyon,” pagdidiin ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade.

AUTHOR PROFILE