Default Thumbnail

LTO inaalam sino dapat managot sa karambola sa Mandaluyong

January 17, 2023 Jun I. Legaspi 260 views

PINALALIM pa ng Land Transportation Office (LTO) ang pagsisiyasat nito hinggil sa kung sino sa dalawang drayber na sakay ng SUV (sport utility vehicle) ang nagmaneho at umararo sa mga sasakyang nakahimpil sa kanto ng Shaw Boulevard at San Miguel Avenue sa Mandaluyong City.

Ayon kay LTO Intelligence and Investigation Division (IID) Officer-in-Charge (OIC) Renan Melitante, nabigong sumipot sa pagpapatawag ng ahensiya ang isa sa mga drayber ng SUV dahil nananatili pa ito sa kustodiya ng Mandaluyong City Police.

Sumipot naman sa IID ang ama na abogado rin ng 19-anyos na isa sa mga sakay/drayber ng nadisgrasyang SUV upang isuko ang driver’s license. Kanya ring mariing itinanggi na ang anak nito ang nagmaneho umano ng SUV nang mangyari ang aksidente.

Sinabi ni Melitante na hindi pa nila agad matutukoy kung sino sa dalawang drayber na sakay ng SUV ang may hawak ng manibela nang mangyari ang aksidente dahil hindi pa nakakausap ang isang nakadetineng suspek.

Bunsod nito, muling itinakda sa Enero 30 ng alas-dos ng hapon ang pagdinig ng IID sa LTO Central Office, East Avenue, Quezon City.

“Ang insidenteng ito ang isa sa mga mabigat na dahilan kaya’t ninanais ng LTO na walang mangyaring shortcut sa pagkuha ng driver’s license. Dapat dumaraan sa tamang proseso para siguradong karapat-dapat na mabigyan ng lisensiya dahil buhay ng tao ang malalagay sa alanganin,” diin ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade.

Nauna nang sinuspinde ng LTO ng 90-araw ang lisensiya ng dalawang drayber na sakay ng SUV kasunod ng aksidente na nakapinsala ng hindi bababa sa sampung sasakyan at ikinasugat ng may 13 indibidwal.

Sinabi pa ni Melitante na sakaling tuluyang mapanagot sa kasong reckless driving ang drayber ng SUV, mananagot din ng katulad na parusa ang may-ari ng sasakyan.

AUTHOR PROFILE