Default Thumbnail

LTO handa na sa mga bakasyunista, Semana Santa

March 27, 2023 Jun I. Legaspi 249 views

KASADO na ang Land Transportation Office (LTO) sa mga paghahanda nito na layong tiyakin ang kaligtasan ng mga biyahero at motorista sa panahon ng Semana Santa at bakasyon.

Kasabay nito ang pagtataas sa “heightened alert” ng buong puwersa ng LTO simula sa Marso 31, Biyernes, hanggang Abril 10 ng kasalukuyang taon, kahit Sabado at Linggo kaugnay ng “Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa and Summer Vacation 2023.”

Ayon kay LTO Chief Jay Art Tugade, tututukan ng LTO ang pangkalahatang kaligtasan sa lansangan kabilang ang roadworthiness inspection sa mga bibiyaheng public utility vehicle (PUV) gayundin ng mga terminal at ang pag-alalay sa mga motorista.

Magsasagawa rin ng random drug testing sa mga drayber at konduktor ng mga PUV.

Tiniyak ni Tugade ang mahigpit na pagpapatupad ng LTO sa mga mandato sa ilalim ng Republic Act (RA) 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code at iba pang kaugnay na mga batas at huhulihin ang mga lalabag.

Maliban sa mga pangunahing lansangan sa Hilaga at Katimugang bahagi ng National Capital Region (NCR), kikilos at magbabantay sa mga istratehikong lugar o terminal ang mga tauhan ng LTO sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.

Samantala, idaraos Martes ang isang seminar para sa mga drayber at konduktor ng mga pampublikong sasakyan bilang bahagi ng pagsusulong ng LTO ng ligtas na pagbiyahe ngayong Semana Santa.

“Wala kaming hangad sa LTO kundi ang masigurong mairaraos nang maayos at ligtas ang Holy Week at bakasyon ng ating mga kababayan. Hinihingi rin namin ang pakikiisa ng publiko sa pag-iingat at pagsunod sa mga batas-trapiko para sa biyaheng ayos ngayong taon,” pahayag ng LTO chief.

AUTHOR PROFILE