LTO-Bohol extension office bukas na
BOHOL–BINUKSAN ng Land Transportation Office (LTO) noong Biyernes ang isa pang extension office sa Tubigon, Bohol bilang bahagi ng layunin ng ahensya na palawakin ang serbisyo sa mas maraming Pilipino.
Pinangunahan ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang blessing at turnover ng LTO-Tubigon Extension Office kasama sina Cong. Edgar Chatto, Tubigon Mayor William Jao at LTO-Region 7 Regional Director Glen Galario.
Sinabi ni Mendoza na ang pagbubukas ng mas maraming extension, licensing, at satellite offices sa buong bansa bahagi ng layunin nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Department of Transportation Secretary Jaime J. Bautista na gawing mas abot-kamay at komportable ang mga serbisyo ng pamahalaan para sa mga Pilipino.
“Ito ay malaking tulong sa ating mga kababayan dito sa munisipyo ng Tubigon at mga karatig na lugar dahil hindi na nila kailangang bumiyahe pa ng malayo at gumastos sa pamasahe papunta sa pinakamalapit na LTO office dahil dinala na natin ang LTO office dito sa kanila,” ani Mendoza.
“Ngunit hindi ito magiging posible kung wala ang tulong ni Congressman Edgar Chatto at ng iba pang mga opisyal sa lokal na pamahalaan na pinangunahan nina Gov. Erico Aristotle Aumentado at Tubigon Mayor William Jao na nagbigay ng lahat ng kinakailangang suporta para mapabilis ang pagtatayo ng extension office na ito,” dagdag ng LTO chief.
Ang pagbubukas ng mas maraming opisina kaakibat ng digitalization efforts ng LTO na bahagi ng layunin ni Pangulong Marcos sa ilalim ng programang “Bagong Pilipinas” kasabay ng tumataas na popularidad at malawakang paggamit ng internet sa bansa.
“Habang isinusulong natin ang ganap na digitalization sa buong bansa, nais din nating tiyakin na magkakaroon tayo ng mas maraming LTO offices upang gawing mabilis, abot-kamay at komportable ang ating serbisyo para sa mga Pilipino,” sabi ni Mendoza.
Umaasa ang LTO official na magbubukas pa ng maraming opisina sa bansa, lalo na sa malalayong lugar.