LTFRB

LTFRB sa mga tsuper: Maningil ng tama

February 12, 2023 Jun I. Legaspi 335 views

NAGPAALALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan na ipatupad ang tamang paniningil at diskwento sa kanilang pamamasada.

Kasunod ito ng mga reklamong natanggap ng ahensya hinggil sa mga hindi tamang paniningil ng mga tsuper sa ilang estudyante at senior citizen.

Batay sa Republic Act 11314 o ang “Student Fare Discount Act” na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong April 17, 2019, makakatanggap na rin ng dalawampung porsyentong (20%) diskwento sa pamasahe ang mga estudyante tulad ng mga senior citizen at persons with disability (PWD) sa alinmang public utility vehicle (PUV).

Pinagtibay rin ito ng Memorandum Circular No. 2017-024 na ipinalabas ng LTFRB upang amyendahan ang Memorandum Circular No. 2005-014 na nagbibigay ng diskwento sa mga estudyante, senior citizen, at PWD.

Sa ilalim ng naturang memorandum, maaaring makatanggap ang mga estudyante ng diskwento sa pamasahe simula Lunes hanggang Linggo, maging sa panahon ng summer break, at mga legal at special legal holiday.

Kabilang sa mga PUV na saklaw ng nasabing pribilehiyo ang mga public utility bus, public utility jeepney, taxi at iba pang katulad na vehicles-for-hire, tricycle, train, aircraft, at marine vessels.

Gayunman, hindi sakop ng benepisyong ito ang mga estudyante na kumukuha ng post-graduate studies tulad ng masteral, doctoral, medicine, law, at iba pa.

Pagdidiin ng LTFRB, sinumang tsuper na lumabag sa nasabing batas ay maaaring patawan ng Php 1,000 hanggang Php 5,000 na multa.

Posible rin tanggalan ng lisensya at kanselahin ang Certificate of Public Convenience ng tsuper na mapatutunayang hindi sumunod sa nasabing batas.

AUTHOR PROFILE