LTFRB Si LTFRB Chairperson Atty. Cheloy Garafil (kaliwa) habang nagbibigay na pahayag matapos ang public hearing sa taas-pamasahe ng metro at provincial buses. (Kanan) Si Atty. Alexander M. Verzosa, habang nagpapaliwanag sa isyu ng mga independent bus owners at operators. Kuha ni Jun I. Legaspi

LTFRB pag-aaralan dagdag singil sa pasahe sa bus

July 28, 2022 Jun I. Legaspi 122 views

PINASALAMATAN ni Atty. Cheloy Garafil ang lahat ng sektor na dumalo sa 1st public hearing ng fare hike petition sa metro at provincial buses.

Sa interview matapos ang public hearing, sinabi ni Garafil kailangan na ang “dagdag-pasahe” sa mga pampublikong bus subalit kailangan itong “balansehin at pag-aralan” munang mabuti dahil mataas masyado ang hiling ng mga petitioners sa unang kilometro at sa bawat dagdag na kilometro.

Ayon kay Garafil, lahat ng letter of manifestations at mga pieces of evidence na ibinigay ng operators ng metro at provincial buses ay ipapadala sa mga kinauukulan para sa tamang evaluation para makapagbigay ng tamang decision ang board kung magkano ang dapat na ibigay na taas singil sa pasahe sa bus.

Sinabi din ni Garafil na walang opposition ang grupo ni Atty. Ariel Inton ng Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP) subalit sinabi ng mga ito sa kanilang manifestation na bawasan ang hiling na dagdag pamasahe dahil mataas nga ito para sa ordinaryong mananakay.

Sinabi rin ni Garafil na nagkasundo ang lahat ng sektor na ibigay muna sa tamang ahensiya ng gobyerno ang lahat ng ebidensiya, petisyon para mapag-aralan ng husto.

Kaugnay nito, nanawagan ang ilang malalaking independent metro at provincial bus owners at operators na bigyan din sila ng pansin kaugnay sa pinag-uusapang isyu at iba pang hinaing.

Ayon kay Atty. Alexander M. Verzosa, mula sa pag-upo ni Garafil sa LTFRB, ay hindi sila naimbita at nasabihan ng pagpupulong mula sa LTFRB.

“Nalalaman na lang namin sa media, sa radio o iba pang news platform,” saad ni Verzosa.

Ayon kay Verzosa, ang mga bus company na ito ay nagseserbisyo sa Central Luzon, at sa norte hanggang sa kasuluksulukan nito.

Kabilang dito ang GV Florida Trans, Transportpro, Coda lines, Dalin JD, GMW Trans, Gabriel Transit, ALPS the Bus, Agila Trans, AJA Liner at ilang malalaking mg truckers groups, traditional jeepney, UV express at mga cooperatives, ayon kay Verzosa.

Umaasa ang grupo na pakikinggan ni Garafil at bumubuo sa LTFRB ang kanilang panawagan at mga hiling para sa transportasyon, saad ni Verzosa.

AUTHOR PROFILE