Garafil

LTFRB, DOTr nakipagpulong sa EDSA Carousel operators

July 18, 2022 Jun I. Legaspi 539 views

NAKIPAGPULONG sina Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Atty. Cheloy Garafil at Department of Transportation Sec. Jaime Bautista sa dalawang bus consortia na nag-ooperate sa EDSA Carousel upang pag-usapan ang mga “isyu” na kinakaharap nito.

Nangako naman ang mga bus operators na ipapatupad nila ang “maximum deployment” ng mga bus lalo na kapag rush hours. Mahigit 200 buses lamang umano ang nade-deploy sa busway kapag rush hour mula sa 440 na bus na dapat ay tumatakbo dito.

Sinabi naman ni Atty. Garafil na patuloy nilang pabibilisin ang pagbabayad sa mga operators sa EDSA Carousel program.

“Noong ako ay umupo sa LTFRB dalawang linggo na ang nakakalipas, hindi pa nababayaran ang week 6 ng programa samantalang ito ay tumatakbo na noon sa week-13. Agaran kong pina-fast track ang pagbabayad kung kaya ngayon, makaraan ng dalawang linggo, kami ay nagbabayad na hanggang week 10. Nangako kami na lalo pa naming paiigtingin ang pagpoproseso ng kanilang bayad upang maging updated ang bayarin sa pagtatapos ng buwan ng Hulyo,” ayon sa LTFRB chairperson.

Nangako din si Sec. Bautista na pag-aaralan niya ang pagkakaroon ng terminal sa Monumento, Caloocan City upang magkaroon ng staging area at pahingahan ang mga bus at driver sa busway. Ito ay makakatulong upang may sapat na bus at agaran nitong matugunan ang anumang pagdami ng tao sa mga istasyon.

Ang ilang pang napag-usapan ay ang paglalagay ng mga facility sa mga bus stops upang maging komportable ang mga pasahero lalo kapag umuulan, adjustment ng rate sa gitna ng pag-akyat ng presyo ng langis, mga ibang gumagamit sa busway na nagiging sanhi ng aksidente at pagpayag sa limited standing kapag rush hour.

“Ipagpapatuloy namin ang ganitong mga diyalogo sa aming mga stakeholders upang sama-sama namin maiangat ang antas ng public transport sa ating bansa para sa lahat ng ating mananakay,” dagdag pa ni Bautista.

AUTHOR PROFILE