LTFRB dapat linawin ang paggamit ng pondo – LCSP
NASAAN ang pondo?
Ito ang mariing tanong ng commuter at transport groups sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos i-flag down ng Commission on Audit (COA) ang P5.5 billion funds para sa drivers assistance sa panahon ng pandemic.
Sa interview, sinabi ni Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), dapat bigyang linaw ng ahensya ang mga tanong ng COA kaugnay sa pondo.
Ang pondo ay inilaan para sa implementasyon ng service contracting program na dapat ay magdudulot ng benepisyo sa mga drivers at operators at libreng sakay para sa mga commuters.
Ayon pa kay Inton, base sa official report ng COA, sa target na 60,000 drivers, 29,800 lamang ang nairehistro ng ahensya, o P59 million lamang sa P5.5 billion funds para sa programa ang naipamahagi ng ahensya.
Pinayuhan din ng COA ang LTFRB na gawing simple ang guidelines para sa kapakinabangan ng lahat.
Pinansin din ni Inton at ng LCSP ang hindi makatwirang P3 billion dagdag pondo na hinihingi ng LTFRB sa national government para daw ipagpatuloy nito ang Service Contracting Program at Libreng Sakay.
Ayon Kay Inton, dapat ipaliwanag muna nila kung ano ang nangyari sa unang P5.5 billion sa COA, drivers at taxpayers bago humirit ng P3 billion pa.
Sa hiwalay na interview, sinabi ni Transportation Assistant Secretary Goddes Libiran na outdated na ang report na ‘yun.
Ito ang sagot ni Libiran, kaugnay sa P5.5 billion funds na ipinamahala sa LTFRB para sa Service Contracting Program.
Sa mga figures na pinadala ni Libiran, lumalabas na sa August 12, 2021, umabot na sa P1,491,683,922.26 ang naipamahagi.
Ayon pa kay Libiran, ang nairehistro din mga drivers ay may total ng 70,303, ang uploaded drivers ay 50,547, oriented drivers ay 59,153 at ang executed contract ay 50,068.
Nauna dito ay naglabas ang COA ng mga ahensya na may flag down ang findings kasama ang LTFRB.