LT nagpasalamat kay Ate Vi
Nagpapasalamat si Lorna Tolentino kay Star for All Seasons Vilma Santos dahil sa pagtanggi nito sa pelikulang “Espantaho.” Sa kanya nga napunta ang role na dapat sana’y kay Ate Vi.
Sa grand mediacon ng “Espantaho” kahapon ay natanong si LT kung ano ang feeling niya na napunta sa kanya ang role na dapat ay kay Ate Vi.
“Nagpapasalamat ako kay Ate Vi, siyempre, unang-una,” masaya niyang wika. “At pangalawa, nagpapasalamat ako kay Atty. Joji (Alonzo of Quantum Films) at kay Direk Chito (Rono, direktor ng ‘Espantaho’) na ako ‘yung naisip nila para sumunod na choice nila from Ate Vi,” dagdag niya.
Nang una raw na in-offer sa kanya ni Atty. Joji ang pelikula, malinaw sa kanya ang sinabi ng producer na hindi pa sure na siya nga ang gaganap.
“Sabi niya (Atty. Joji), ‘hindi pa ako sure, pero kung gusto mo,’ ganyan-ganyan. Ang ending, ang sabi ko sa kanya, ‘I am willing to wait, maghihintay po ako para sa project na ‘to,’” kwento ni LT.
“Tapos, hanggang sa ayun, ibinalita na nga niya sa akin na tuloy na ‘yung project, na ako na nga ang gaganap na nanay ni Juday (Judy Ann Santos),” dagdag niya.
Sila naman ni Direk Chito have a long history. Matagal na silang magkakakilala at magkaibigan. Ilang beses na silang nagkatrabaho, kabilang na rito sa ‘Patayin sa Sindak si Barbara.’
“We had the same manager, and at the same time, nagkasama kami abroad na kami lang, nagkasama kami sa bahay, pumupunta, pati mga Streetboys noon.
“So, matagal na ‘yung pagsasama namin ni Direk Chito, kilala na namin ang isa’t isa, buhay pa si Daboy (Rudy Fernandez, LT’s late husband), lahat ‘yan. Kasama siya sa mga love stories and all,” sey ni LT.
Malaki na nga raw ang pagbabago ng direktor pagdating sa pagdidirek. Kung dati raw ay naninigaw ito, ngayon ay kalmado na.
“Kung tatatanungin mo ‘ko sa before, terror si Direk Chito. Talagang manenerbyos ka. May tensyon exercise, ganyan,” natatawang sabi ni LT.
“Ngayon, talagang kalmado na. Tapos, siguro, dahil kailangan na huwag siyang masyadong magagalit kaya nagtitimpi siya nang konti. Mas mahaba ang pasensiya niya ngayong mga panahong ito.
“Pero nandodoon pa rin ‘yung fire, ‘yung passion, ‘yung hunger for doing a great film,” ani LT.
Masayang-masaya rin at in awe ang aktres sa husay ng mga kasama niya sa pelikula tulad nina Chanda Romero, Janice de Belen, Eugene Domingo, Tommy Abuel, JC Santos, Nico Antonio at marami pang iba.
Ang “Espantaho” ay isa sa official entries sa 50th Metro Manila Film Festival showing on Dec. 25.