LPG truck driver tinutukan ng nakaalitan, suspek huli
TIMBOG ang 52-anyos na lalaki nang tutukan ng baril ang nakaaway na driver ng truck ng liquefied petroleum gas (LPG) noong Biyernes sa Las Pinas City.
Tinangka pang tumakas ni alyas Namir, na nagpapakilala rin bilang alyas Nasyong, nang namataan ang mga tauhan ng Pamplona Police Sub Station pero natimbog din matapos ang maikling habulan.
Ayon sa report, nagkaroon ng argumento sa hindi matukoy na dahilan ang suspek at ang LPG truck driver dakong alaa-2:20 ng hapon malapit sa Brgy. Zapote na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Naglabas ng baril si alyas Namir at itinutok sa kaalitang tsuper kaya tumalilis ang biktima upang humingi ng tulong sa pulisya na nagresulta sa kanyang pagkakadakip sa Zapote Terminal.
Nang kapkapan, nakuha sa suspek ang hindi lisensyadong kalibre .9mm revolver na kargado ng tatlong bala.
Natuklasan na may dati ng kinakaharap na kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at PD 1602 (Illegal Gambling) ang suspek.
Nakatakdang sampahan si alyas Namir ng kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Act habang isinumite naman ang nakumpiskang baril sa kanya sa PNP-SPD Forensic Unit para sa ballistic examination.