Default Thumbnail

LPG tank sumabog sa pizza house, 2 sugatan

July 5, 2023 Zaida I. Delos Reyes 267 views

DALAWA katao ang nasugatan sa pagsabog ng LPG sa loob ng isang pasta at pizza food house nitong Miyerkules ng umaga sa Lopez , Quezon.

Ang mga biktimang nagtamo ng second degree burns sa katawan ay nakilalang sina Shaira Manue Panganiban, 20, at Helen Marcilla Masaganda, 48, mga staff ng food house.

Batay sa ulat ng Lopez Bureau of Fire Protection , naganap ang insidente dakong 8 a.m. sa Lime’s Corner na matatagpuan sa intersection ng Maharlika highway at Salumbides street sa Bgy. Magsaysay Poblacion, Lopez, Quezon.

Sinabi ni SFO1 Mariden Ballesteros ng Lopez BFP, ang pagsabog ay naganap sa kusina ng food shop.

Lumalabas sa imbestigasyon na gas leak mula sa binuksang LPG tank ang naging dahilan ng pagsabog.

Sa lakas ng pagsabog, nagiba ang loob ng food shop at nagtalsikan sa kalsada ang mga basag na salamin at kagamitan.

Maging ang roll-up door ay nawasak at tumalsik palabas . Nadamay din ang ilang mga nakaparadang motor sa gilid ng kalsada.

Bukod sa food shop ay nadamay at naapektuhan din ang isang laundry shop sa lugar.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.