LPG tank sa QC pizza joint sumabog, 1 sugatan

March 28, 2022 Melnie Ragasa-limena 358 views

SUGATAN ang isang street sweeper nang biglang sumambulat ang malakas na pagsabog sa loob ng Pizza Hit sa Barangay Vasra, Quezon City, nitong Lunes ng madaling araw.

Batay sa inisyal na report ng Quezon City Fire District, bandang 4:32 ng madaling araw (March 28) nang sumabog umano ang LPG tank sa loob ng Pizza Hut na matatagpuan sa 74 Visayas Ave., Brgy. Vasra, Quezon City.

Sinundan ito nang malakas na pagliyab ng apoy sa three-storey building na pag-aari umano ng isang nakilalang Maria Carmen kung saan nangungupahan ang tindahan ng Pizza.

Dahil sa lakas ng pagsabog ay inabot ang street sweeper na si Sophia Rafa na noon ay nagwawalis sa harapan ng Pizza Hut at nagtamo ng first degree burn sa kanang pisngi.

Ayon sa mga nagrespondeng Fire Arson Investigator na sina SFO3 Rolando T Valeña, SFO3 Melencio P Agnir, SFO2 Merrian Baguio at SFO1 Romileen Trinidad, mabuti na lamang umano at hindi pa bukas at wala pang tao sa loob ng nasabing Pizza Parlor nang sumabog ang LPG.

Umabot sa unang alarma ang sunog na agad namang naapula bandang 5:14 ng madaling araw.

Inaalam pa ng mga arson investigator ang halaga ng napinsala o nawasak sa nasunog na Pizza Parlor.