LPA

LPA namataan sa PAR, binabantayan

February 11, 2025 Melnie Ragasa-limena 156 views

PATULOY na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang low pressure area (LPA) na namataan sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Martes.

Sinabi ng Pagasa na namonitor ang LPA alas-2 ng hapon at sa ngayon, inaasahan ang shear line at ang Northeast Monsoon o Amihan ang magpapa-ulan sa ilang lugar sa Luzon.

Sa 4 p.m daily weather forecast, sinabi ng Pagasa na ang Metro Manila, Aurora, CALABARZON, Camarines Norte, Camarines Sur, Marinduque, at Oriental Mindoro ay makakaranas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na mga pag-ulan at isolated thunderstorms dahil sa shear line.

Habang ang easterlies ay magdadala ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog na inaasahang mananatili sa Davao Region at Soccskargen.

Ang parehong lagay ng panahon ay makakaapekto sa Palawan dahil sa trough ng LPA.

Mananatili ang maulap na papawirin na may mga pag-ulan sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region dahil sa Amihan.

Ang mga kundisyong ito ay maaaring magresulta sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan na maaaring magdulot ng mga flash flood o landslide.