MPK

Lotto winner naging loser sa ‘Magpakailanman’

August 27, 2021 Eugene E. Asis 1326 views

SINO ang hindi nangarap na manalo sa lotto? Halos lahat tumaya at nagbakasakaling magigising isang araw na isa nang milyonaryo.

Ito ang kuwento ngayong Sabado sa Magpakailanman hosted by Mel Tiangco on GMA7.

Matagal nang nangangarap si Erwin na mabigyan ng magandang buhay ang asawang si Vergie at mga anak.

Isang araw, laking tuwa ng mag-asawang si Erwin at Vergie nang malamang nanalo sila ng lotto jackpot. Nagdesisyon sila na magtiwala sa mga kamag-anak na sina Manuel at Angel at magtago kina Nanay Mimang. Sina Manuel ang kumuha sa napanalunan at naghawak dito para palaguin at ipambili ng kung anu-anong negosyo. Huli na nang malaman nina Erwin na nilustay na pala ng dalawa ang perang napanalunan nila. Sa huli, ipinagtabuyan pa sila ng mga ito sa sarili nilang bahay.

Dahil walang kalaban-laban, nagdesisyon na lang sina Erwin na magsimula ulit at lumipat ng lugar. Bumalik sa pagsasaka si Erwin para matustusan ang pangangailangan ng pamilya.

Kahit hirap sa buhay, masaya na rin si Erwin at Vergie lalo na ng mabalitan nila ang mga karmang dumating sa buhay nina Manuel at Angel. Naubos rin ang perang ninakaw ng mga ito. Namatay sa atake sa puso si Angel samantalang napatay naman si Manuel.

Tunghayan ang kuwento ng “Lotto Winner Naging Loser” ngayong Sabado sa Magpakailanman ng GMA7. Sa pangunguna ni Tekla na gaganap bilang Erwin, kasama sina Vaness Del Moral bilang Virgie, Ian De Leon bilang ang kontrabidang si Manuel. Tampok din sina Dexter Doria bilang Nanay Mimang at Tonio Quiazon bilang Angel.

Sa direksyon ni LA Madridejos, sa panulat ni Michiko Yamamoto at sa masinsing pananaliksik ni Karen Lustica.

AUTHOR PROFILE