Loren

Loren tutok sa climate change, post COVID recovery

March 5, 2022 People's Tonight 300 views

DAPAT umanong tutukan ng pamahalaan at taumbayan ang climate change, sustainable development at good governance upang matiyak ang pagbangon ng bansa mula sa pandemya o tinatawag na post-COVID-19 recovery.

Ito ang pahayag ni Deputy Speaker at ngayo’y Team Unity senatorial bet Loren Legarda sa gitna nang paghahanda sa unti-unting pagbabalik normal ng buhay at ekonomiya bunsod ng bumababang bilang ng kaso ng COVID 19.

Sa kanyang pagharap sa general assembly ng League of Municipalities of the Philippines (LMP), sinabi ng tatlong terminong senador na saludo siya sa ginampanang tungkulin at hinarap na pagsubok ng mga alkalde bilang frontliners laban sa COVID-19.

Ngunit wala umanong kumpletong ‘recovery’ mula sa pandemiya kung ‘di ito naka-angkla o naka-align sa tinatawag na ‘climate change adaptation.’

Ayon sa beteranong senador, ang patuloy na laban sa COVID-19, sustainable development at good governance ang tatlong malalaking hamong kinakaharap ngayon ng mga punong bayan. Aniya, tungkuling harapin ang mga hamong ito ng lahat ng lingkod-bayan, mambabatas man o punong bayan.

Kasabay nito, nangako siyang tutulungan ang mga local government units (LGU) sa muling pagpapalakas ng maliliit na negosyo. Susuportahan niya rin umano ang mga local chief executives (LCEs) sa paghahanda at pagpapatupad ng mga programa para sa ‘new normal.’

Diin ni Legarda, mangyayari lamang ang pagbangon ng bansa kung tama ang mga patakarang ipatutupad ng local at national government. At sa pagpapatupad ng “Mandanas Law’ na nagtatakda ng malaking pondo para sa mga LGUs, sisiguruhin umano ni Legarda na ang pondong nakalaan ay mapupunta sa ‘pandemic recovery.’

AUTHOR PROFILE