Loren

Loren naglunsad ng malaking proyekto sa Antique

March 12, 2022 People's Tonight 330 views

TUMULAK sa Antique si Deputy Speaker at dating senador Loren Legarda upang mangampanya sa kanyang mga kababayan at pasinayaan ang tatlong malalaking proyekto sa naturang lalawigan.

Kabilang sa inagurasyon ang tatlong palapag na district office ng National Bureau of Investigation, at ang mga bagong renovate na Old Capitol Building at makasaysayang Balay nga Bato (bahay na bato) sa Antique.

Ayon kay Legarda, malaki ang maitutulong ng bagong NBI office sa mga kababayan niyang nais kumuha ng clearance o kaya’y humingi ng tulong sa pagpapa-imbestiga ng krimen. Aniya, hindi na kailangang bumiyahe sa malayo at gumastos nang malaki ang kanyang mga kababayan upang dumulog sa NBI. “Malaki ang maitutulong ng tanggapang ito sa ating kampanya laban sa kriminalidad,” diin niya.

Bukod sa NBI office, pinasinayaan din ang Old Capitol Building at ang pinakamatandang Bahay na Bato sa Antique. Sa tulong ni Legarda, na dating chairman ng Senate finance committee, napondohan ang pagtatayo ng NBI building. Ang renovation naman ng matatandang gusali ay pinondohan niya sa pamamagitan ng budget ng Department of Public Works and Highways at National Historical Commission of the Philippines.

Itinayo sa pagitan ng 1905-1910, ang Old Capitol building ay isa sa mga nalalabing colonial buildings na inayos noong American Colonial Period. Nanatili itong matatag matapos ang World War II.

Ang Balay nga Bato naman ay tinatayang may edad na 194 hanggang 211 taon. Batay sa historical records ng lalawigan, ang bahay ay nagsilbing headquarters ng mga Hapon noong sakupin nila ang Antique at buong isla ng Panay. Nagsilbi rin itong ospital para sa mga sugatan noong ikalawang digmaang pandaigdig.

Ayon kay Legarda, gagamitin ang mga makasaysayang gusali upang ipamalas ang mayamang kultura at kasaysayan ng Antique. Ilalagak sa Old Capitol Building ang textile gallery, archival materials at ang pinaplanong provincial library. Ang Balay nga Bato ay gagawin namang tanghalan ng mga tradisyon ng lalawigan.

AUTHOR PROFILE