Lolo timbog sa QC

May 17, 2022 Melnie Ragasa-limena 76 views

ARESTADO ang isang senior citizen nang pagsamantalahan umano ang dalagitang apo sa loob ng kanilang tahanan sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Ang 64-anyos na suspek ay residente ng Session Road Area B, Batasan Hills, Quezon City.

Sa report ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 10:00 ng gabi ng Mayo 15 nang maganap ang insidente sa mismong tahanan ng suspek sa nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Prudence Lopez ng Batasan Police Station 6, natutulog umano ang 16-anyos na dalagita sa silid nang pasukin ng kaniyang lolo.

Tumabi umano ang lolo at hinimas ang hita ng apo dahilan upang ito ay magising pero pinagpatuloy pa rin ng suspek ang kaniyang matinding pagnanasa saka nilamas ang dibdib ng dalagita, maging ang kaselanan nito.

Nagawa namang makatakbo ng dalagita sa labas ng kuwarto at agad na nagsumbong sa kaniyang ina.

Dahil dito ay inireklamo ng mag-ina ang lolo kaya naman agad itong binitbit nina P/Cpl. Mark Christopher Adrigado at P/Cpl. Benedicto Aday sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Bobby Castillo ng PCP 2 ng Batasan, PS 6.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 7610 (Sexual Abuse) laban sa matandang suspek. By Melnie Ragasa-Jimena