Default Thumbnail

Lolo patay sa trike, misis na lola sugatan

November 22, 2022 Jonjon Reyes 234 views

NAISUGOD pa sa Philippine General Hospital (PGH) ang isang 73-anyos na lolo pero binawian din ng buhay, habang sugatan naman ang asawa nito, nang maipit sa salpukan ng dalawang tricycle sa harapan ng Manila Doctor’s Hospital sa T.M. Kalaw Street, Ermita, Maynila Lunes ng umaga.

Ang namatay na matandang biktima ay residente ng Altura Extension, Sta. Mesa, habang sugatan naman ang 68-anyos na asawa nito.

Batay sa ulat ni Police Corporal John Caesar Ancheta na ibinigay kay Police Major Anthony Olgado, hepe ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), pasado alas 9:10 ng umaga, nang sabay na mabundol ang mga biktima sa kahabaan ng Kalaw Street ng dalawang tricycle.

Kaagad naman sumaklolo ang mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at naidala pa ng ambulansiya agad ang lolo sa pagamutan na nasa kritikal na kalagayan ngunit pumanaw rin bandang 3:13 ng hapon habang nagtamo ng pinsala sa katawan ang asawa nito.

Hinala ng pulisya na nag-uunahan sa pasahero ang dalawang tricycle driver ng mahagip ang mga biktima.

Dahil dito, pawang nahaharap ang dalawang tsuper sa kasong paglabag sa reckless imprudence resulting to homicide at physical injury.

AUTHOR PROFILE