Default Thumbnail

LOLO NATAGPUANG PATAY SA INUUPAHAN

May 27, 2023 Jonjon Reyes 284 views

PINANINIWALAANG namatay sa sakit ang isang 63-anyos na senior citizen nang madiskubre sa loob ng inuupahang silid sa ikatlong palapag ng apartment sa Ronquillo Street, Barangay 307, Quiapo sa Maynila.

Nakilala ang biktimang si Virgilio Delos Reyes.

Una na umanong rumesponde ang mga tauhan ni Police Captain Rowell Robles, hepe ng Manila Police District (MPD)-Plaza Miranda Police Community Precinct, ng bandang 7:45 ng umaga, saka nila kinordon ang lugar at ipinagbigay-alam sa tanggapan ni Police Captain Dennis Turla ng MPD-Homicide Section.

Kasama ang mga tauhan ng MPD-Forensic Unit na nagresponde sa Room 303 sa ikatlong palapag ng gusali sa nasabing lugar upang isailalim sa masusing imbestigasyon ang insidente, habang nangangalap ng mga ebidensiya kung may foul play.

Napagalaman na isang Jovelito Edie Boy Trinio ang may-ari ng apartment, ayon sa isang opisyal ng barangay sa lugar.

Naroroon din sina Police Corporal John Christian Punzalan at Patrolman Mark Anthony Amaro na unang rumesponde at saka kinordon ang lugar.

Bukod sa rumespondeng imbestigador ng Homicide Section, naroroon din si Police Corporal Dan Lyndon Cacanindin na tauhan ni Police Lieutenant Colonel Ramon Czar Solas, commander ng MPD-Station 3.

AUTHOR PROFILE