Default Thumbnail

Lolo nakitang walang buhay sa loob ng bahay

April 19, 2022 Edd Reyes 282 views

NAGWAKAS ang mahabang panahong paglilingkod bilang street sweeper ng 62-anyos na lalaki nang matagpuang wala ng buhay sa loob ng kanyang tirahan Lunes ng gabi sa Malabon City.

Nakasalampak sa lapag ng kanyang silid sa loob ng kanyang bahay sa 215-Q Sitio 6, Brgy. Catmon ang biktimang si Apolinarion Joson, empleyado ng Malabon City Environmental and Natural Resources Office (CENRO) nang madiskubre ng kanyang mga kapitbahay dakong alas-8:50 ng gabi.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, huling nakitang buhay ng kanyang mga kapitbahay ang biktima dakong alas-5 ng hapon sa loob ng kanyang bahay.

Wala namang nakitang palatandaan ng karahasan sa pagkamatay ng biktima sina P/SSgt. Mardelio Osting at P/SSgt. Diego Ngippol na nagsagawa ng pagsisiyasat sa naturang insidente.

Nalaman ng mga imbestigador kay Allan Jagonoy, isa sa mga residente sa lugar, na dumaranas ng mga sakit na diabetes at kidney failure ang biktima bukod pa sa ilan niyang karamdaman.

Kinumpirma naman ng supervisor ng biktima na si Bella Bañaga ng CENRO na napansin na niya ang pagbagsak ng pangangatawan ng kawani na nagresulta sa unti-unting paghina ng kanyang resistensiya.

Naniniwala ang pulisya na walang foul play na nangyari sa pagkamatay ng biktima kaya’t ipinasiya na nilang isara na ang usapin.

AUTHOR PROFILE