Lolo nag-masturbate sa harap ng dalaga, himas-rehas

April 28, 2022 Edd Reyes 163 views

ARESTADO ang 52-anyos na lalaking “nagpaligaya” sa sarili sa harap ng 17-anyos na dalagitang kanyang pinagpapantasyahan Miyerkules ng madaling araw sa Navotas City.

Tinangka pang tumakas ng suspek na si Ricardo Dimacali, residente ng Champaca St. Bgy. San Roque nang masalubong niya sa kanyang pag-uwi ang mga tauhan ng barangay, kasama ang biktimang itinago lang sa pangalang “Rose” at ina nito na isang barangay nutritionist subalit mabilis din siyang nasakote matapos ang maikling habulan.

Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Frances-Ann Peña ng Navotas Police Women and Children Protection Desk (WCPD), nasa tindahang binabantayan sa Leongson Ext. Bgy. San Roque ang biktima dakong alas-3 ng madaling araw nang sitsitan siya ng suspek na nasa labas lang ng tindahan.

Nang lumingon ang dalagita, nagulat siya nang makita ang suspek na nagpapaligaya sa sarili habang hawak ang nakalabas na maselang parte ng katawan at nakatitig sa kanya bago kaagad ding tumalilis.

Bunga nito’y ginising ni Rose ang kanyang ina na kaagad humingi ng tulong kina Ramil Lagujeno at William Jayona, kapwa naka-duty na barangay tanod ng Bgy. San Roque at kaagad nilang pinuntahan ang bahay ng suspek subalit wala roon ang lalaki.

Nang pabalik na sa Barangay Hall ang mga barangay tanod, kasama ang biktima at ina, nasalubong nila si Dimacali na noon ay papauwi na sakay ng kanyang bisikleta subalit nang makita sila ng suspek, kaagad itong tumakas subalit hinabol siya ng mga tanod hanggang sa masakote.

Kasong “Unjust Vexation” in relation to R.A. 7610 o Child Abuse Law ang kinakaharap ngayon ng suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE