Posas

Lolo hinalay, tinakot ang apo timbog

December 2, 2023 Edd Reyes 129 views

NADAKIP ng mga pulis ang 60-anyos na lolo na akusado ng panghahalay sa kanyang apo noong Biyernes sa Caloocan City.

Parang maamong tupa ang suspek na si Lolo Hilario nang arestuhin ng mga tauhan ng District Special Operations Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) sa pangunguna ni P/Maj. Jerry Garces, dakong ala-1:30 ng hapon sa Daisy St., Sitio Gitnang Purok IV, Caybiga, Caloocan City.

Sa report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Carlito Gapas, naghain ng kaso laban sa biyudong si Lolo Hilario ang kanyang anak na babae matapos matuklasan ang umano’y panghahalay sa sariling apo.

Noon pang nakaraang taon sinimulang halayin ng suspek ang menor-de-edad na apo pero hindi agad makapagsumbong dahil sa sobrang takot dahil pinagbabantaan ni lolo.

Bukod umano sa panghahalay, hinihipuan din ng biyudo sa maseselang parte ng katawan ang apo na naging daan upang sampahan siya ng kasong panggagahasa at acts of lasciviousness.

Apat na bilang ng rape, dalawang bilang ng statutory rape at dalawang bilang ng acts of lasciviousness ang haharapin ni lolo sa korte, ayon sa mga pulis.

Mariin namang itinanggi ni Lolo Hilario ang akusasyon laban sa kanya at sinabing hindi niya magagawang halayin ang kanyang sariling apo.

AUTHOR PROFILE