Default Thumbnail

Lolo, 72, tigok sa motorsiklo

June 29, 2023 Jojo C. Magsombol 229 views

DEDO ang isang 72 anyos na lolo matapos masalpok ng isang motorsiklo habang tumatawid ng kalye sa National Highway, Bgy. Dominador East, Alitagtag, Batangas noong Martes ng hapon.

Kinilala ng Alitagtag Municipal Police Station chief P/Maj. Dave Alex R. Mercado ang nasawi na may asawa, caretaker at residente ng Bgy. Dominador East.

Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente bandang ala una ng hapon noong Hunyo 27 nang mahagip ang matanda ng isang Yamaha Sniper motorcycle (728 UKI) na minamaneho ng isang 38-anyos na construction worker, may asawa, at kasalukuyang naninirahan sa Bgy. 1, Alitagtag, Batangas.

Nakita umanong tumatakbo ang biktima nang aksidenteng mabangga habang tumatawid sa nasabing kalsada.

Sa tindi ng bangga, halos sabay na humagis ang matanda at drayber saka bumagsak na duguan sa kalsada.

Isinugod ang dalawa ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk and Reduction Office (MDRRMO) Alitagtag sa Martin Marasigan Memorial Hospital sa Cuenca, Batangas para gamutin.

Nagtamo ng malalaim na sugat sa katawan ang drayber samantalang binawian naman ng buhay ang lolo habang ginagamot.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis upang malaman kung may pananagutan ang drayber sa naganap na aksidente.

AUTHOR PROFILE