Default Thumbnail

LOLA TIGOK SA 2 SASAKYAN

October 15, 2023 Jojo C. Magsombol 373 views

Dalawang beses nasagasaan

ISANG 65-anyos na lola ang nabangga ng isang truck at nang tumilapon ay nasagasaan pa uli ng isang di-kilalang behikulo habang tumatawid sa Maharlika Highway sa Barangay Santiago, Sto. Tomas City, Batangas, Huwebes ng madaling-araw.

Ang nasawi, ayon sa Sto. Tomas Police Station, ay isang babaeng may asawa at nakatira sa Bgy. Santiago.

Napag-alaman sa imbestigasyon na tinatahak ng isang utility vehicle closed van truck na may plakang NEP 1223 na minamaneho ng isang lalaki ang kahabaan ng Maharlika Highway nang aksidenteng mabangga ang biktima.

Ang biktima ay noo’y tumatawid sa pedestrian lane ng nasabing highway.

Tumilapong duguan ang biktima at bumagsak sa konkretong kalsada at nakaladkad pa ng isa pang rumaragasang behikulo na mabilis na tumakas sa lugar.

Agarang isinugod ang biktima sa Laurel District Hospital sa Bgy. Santor, Tanauan City, Batangas, para mapagamot ngunit idineklara na itong dead on arrival ni Dr. Phil Pangilinan.

Ang driver naman ng truck na isang lalaking may asawa at naninirahan sa Bgy. Talaga sa Tanauan City ay dinala ng mga awtoridad sa presinto ng Sto. Tomas City para sa tamang disposisyon.

Nagsasagawa na rin ng follow-up ang mga imbestigador ng Sto. Tomas Police Station para matukoy ang plate number ng behikulo gayundin ang driver at may-ari nito.

AUTHOR PROFILE