Torre

Lola, 79, nakitang naaagnas, nakasabit sa kakahuyan sa QC

February 11, 2023 Melnie Ragasa-limena 362 views

INIHAYAG ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBrig. Gen. Nicolas Torre III, na matapos ang halos isang buwang pagkawala, natagpuang naaagnas na ang bangkay ng 79-anyos na lola na nakasabit sa kakahuyan sa gilid ng bangin sa Tanay, Rizal, Sabado ng umaga.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 6:30 a.m. (February 11), nang makita ang naaagnas nang bangkay ni Edilbertha Borruel Gomez, na nakasabit sa kakahuyan sa mabangin na lugar sa Marilaque High-way malapit sa Kilometer 50, Barangay Cuyambay, Tanay Rizal.

Positibo namang kinilala ng kaanak na si Fernando Gonzalez na ang nawawala nilang lola ang natagpuan sa gilid ng bangin.

Ayon kay Torre, natunton ang bangkay ng lola dahil sa natanggap nilang impormasyon at sinasabing may nakasabit na kalansay sa bangin sa nasabing lalawigan.

“So hindi tayo nag-aksaya ng panahon, medyo ginabi tayo dahil matagal natin hinanap natin ang lugar dahil medyo hindi clear ang tipline eh. Hindi clear ang tip…ano itsura nung lugar? Nasa highway siya (biktima) ng Marilaque Highway sa medyo mabangin na sakop ng Tanay, Rizal tapos hindi naman mapapansin yung bangkay kung hindi mo talaga siya hahanapin. Medyo tago, buti nga hindi nahulog sa malalim na portion. Sumabit sa mga damo at kahoy yung katawan nung lola,” ani Torre.

Aniya, sa kanilang isinagawang cursory examination, may tama ng bala ng baril sa likod ng ulo ang lola kaya posibleng pinatay ito saka itinapon sa bangin.

Batay aniya sa pahayag ng pamilya ng biktima, noong Enero 14 ay sumakay umano ng taxi ang lola at nagpahatid sa Quezon City upang doon sumakay ng bus patungo sa La Union pero mula noon ay hindi na ito nakita pa.

“Iniimbestigahan na ngayon kung paano siya nakarating sa lugar. May CCTV na kami. I would like to believe na siya ay biktima ng robbery,” anang opisyal.

Mayroon na rin aniya silang persons of interest pero wala pa silang hawak na konkretong ebidensya.

Nagsasagawa pa ng follow-up operations ang mga awtoridad upang madakip ang mga salarin.