Sunog Bitbit ng mga funeral attendant ang labi ng isang nasawing lola matapos ma-trap ito sa nasunog niyang bahay sa Ermita, Maynila Martes ng umaga. Kuha ni Jon-Jon Reyes

Lola, 70, patay matapos ma-trap sa sunog sa Ermita

November 15, 2022 Jonjon Reyes 526 views

NAMATAY ang isang 70-anyos na lola matapos ma-suffocate ito at hindi makalabas sa nasusunog na tahanan nito sa Ermita, Maynila Martes ng umaga.

Nakilala ang biktimang lola na si Imelda Memoria, 70, at ito ay nag-iisa na lamang sa kanyang tahanan ng maganap ang sunog sa 865 Teresa St. na halos katabi ng Adamson University sa Barangay 661 Zone 71 Ermita, Maynila.

Base sa ulat ng Manila Fire District ng Bureau of Fire Protection (BFP), pasado alas-9:50 ng umaga nang magsimula ang sunog sa bahay ng biktima na mabilis na umakyat sa ikatlong alarma.

Sa pamamagitan ni Punong Barangay Evangeline Lete, nakilala ang biktima na sinasabing nakikita lamang ito kapag lumalabas at bumibili ng pagkain sa katabing karinderya.

Sa ulat ng BFP, dahil sa mabilis at agarang nilang pagresponde tanging isang bahay lamang na ikatlong palapag na yari sa light materials ang nilamon ng apoy na agad namang naagapan ang mga katabing bahay sa nasabing lugar.

Pasado 10:30 na ng umaga na ideklarang fire out ang sunog na umabot sa ikatlong alarma

Gayunman, patuloy na inaalam ng Arson Division ang naging sanhi ng sunog at kung magkano ang halaga ng natupok na ari-arian.

AUTHOR PROFILE