Default Thumbnail

LOLA, 64, ‘PATAY’ SABAY GUMRADUATE

July 11, 2023 Edd Reyes 303 views

Dalagang may cancer nagpursirging makatapos ng college hanggang sumakabilang buhay

MALUNGKOT na nagpahatid ng pagbati si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa pamilya ng estudyanteng pumanaw bago pa man personal na matanggap ang kanyang diploma sa pagtatapos ng pag-aaral sa City University of Pasay.

Lunes ng hapon nang ganapin ang pagtatapos ng mga estudyante ng City University of Pasay sa Plenary Hall ng Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City kung saan dumalo ang ina at nakababatang kapatid ni Ruffa Mae Gurabil na kabilang sa hanay ng mga estudyanteng nagtapos sa kolehiyo.

Ang ina ni Ruffa Mae na si Elizaldes at nakababatang kapatid na babae ang tanging tumanggap ng diploma sa kursong Political Science, bitbit ang larawan ng estudyante, matapos masawi sa sakit na thyroid cancer ang dalaga, ilang araw bago ang commencement exercises.

Ayon sa alkalde, larawan ng determinasyon, katapangan, pagpupunyagi at kasipagan ang ipinamalas ni Ruffa Mae na magsisilbing inspirasyon sa iba pang mag-aaral dahil sa kabila ng kanyang sakit na cancer ay pilit pa ring tinapos ang pag-aaral.

Bagama’t dama ni Mayor Emi ang kapighatian, ipinagmalaki naman niya ang pagpupunyagi rin sa pag-aaral ng isa nilang kawani na hindi naging hadlang ang edad upang tapusin ang kursong Bachelor of Science in Office Administration sa naturan ding pamantasan.

Malugod na binati ng alkalde si Shirley Yana Barberan, 64, nagtatrabaho bilang photographer sa Pasay City Hall, matapos tanggapin ang diploma, kasama ang anak at apo.

Ipinagpatuloy ni Lola Shirley ang pag-aaral nang mag-enroll sa naturang unibersidad noong taong 2019 matapos matigil noong taong 1979 upang asikasuhin muna ang pamilya.

Ayon sa alkalde, kapuwa magsisilbing inspirasyon sa iba pang mag-aaral ang ginawang pagsisikap at pagpupunyagi sa pag-aaral nina Lola Shirley at Ruffa Mae na hindi umatras sa hamon ng buhay para tumigil sa pag-aaral.

AUTHOR PROFILE