Loinie

Loisa, dumaan sa punto na gusto nang mawala … aktres, humingi ng tawad kay Lord

October 14, 2022 Vinia Vivar 208 views

Naging emosyonal si Loisa Andalio sa finale presscon ng Kapamilya seryeng Love in 40 Days nang mapag-usapan ang tungkol sa kamatayan.

Natanong kasi ang cast members kung ano ang ikinatatakot nila sa kamatayan without knowing kung paano sila mamamatay, kung kailan at kung sa impyerno ba o langit sila pupunta.

Ayon kay Loisa, hindi siya natatatakot mamatay at umaming minsan ay naisip na rin niya ang bagay na ito.

“Hindi rin po ako takot mamatay kasi po…,” ani Loisa na gumaralgal na ang boses, “kasi po dumaan na rin ako sa point na parang gusto ko na rin. Dumating ako sa punto na hindi ko na kaya, siguro okay lang na mawala na lang ako kasi ang hirap.

“Pero nu’ng na-realize ko na baka tinatapik lang din ako ni Lord, baka nawawala na ako sa landas, doon ako nabuhay na hindi pala ako dapat mahihiya dahil sa ibang tao. Dahil kung mayroon akong kasalanan or may nagawa akong mali, sa sarili ko ‘yun, hindi dapat sa ibang tao,” dagdag niya.

Kaya nang malinawan siya ay humingi agad siya ng tawad kay Lord.

“Nu’ng after na na-realize ko na, ‘Lord, sorry, mali pala ‘yung nasa isip ko dati. ‘Yung mga nangyari sa akin, tama pala si Tita Lot (Lotlot de Leon na kasama rin sa cast) na ‘alam na ni Lord ‘yan bago pa man mangyari and ang important is saan ka ba pupuntang way,’” pahayag ni Loisa.

Hindi rin siya natatakot na mapunta sa impyerno dahil as long as tinanggap mo raw si Lord sa buhay mo ay tiyak namang sa heaven ka pupunta.

Para naman sa leading man ni Loisa and real-life boyfriend na si Ronnie Alonte, hindi rin siya takot mamatay.

“Handa po ako kung kailan man ‘yan dumating,” ani Ronnie.

Basta masaya siya sa buhay niya at alam daw niyang kapag nawala siya ay sa langit siya pupunta.

Samantala, six years nang magdyowa sina Ronnie and Loisa at nananatiling matatag ang kanilang relasyon. Pero aminado silang marami rin silang naging away at problema along the way.

“Isa lang po kasi ang usapan namin ni Ronnie, na kapag may problema tayo, hangga’t maari, pag-usapan, ayusin para hindi na lumaki.

“Kaya wala kayong naririnig na tsismis sa amin, kasi ayaw na naming umabot sa ibang tao kung ang ending, magiging okay din kami sa huli,” sey ni Loisa.

Umamin naman si Ronnie na may mga naging malalalang away sila ni Loisa.

“Malala, may mga malala rin po talaga. Pinag-uusapan lang namin and hindi namin pinapatagal,” aniya.

Anyway, sa kasalukuyan ay nasa last three weeks na ang Love in 40 Days at nagpapasalamat ang LoiNie sa napakagandang feedback at ratings ng serye.

Huwag palampasin ang pamatay na ending nito gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.

I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng Love in 40 Days.

Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

AUTHOR PROFILE