Lloydie, ’di bumitaw kay Ate Vi nang mag-hibernate sa showbiz
Napanood namin ang first YouTube vlog ni Star for All Seasons Vilma Santos kung saan nga ay ipinakita niya ang kanyang mga acting award.
Pero nakakatuwa dahil mas marami siyang tsikang flashback tungkol sa mahabang taon na pinagdaanan niya bilang artista mula pa sa pagkabata niya.
Sa video ay maririnig ang voiceover ng anak niyang si Luis Manzano na siyang nagtatanong sa kanya. Aliw ‘yung tanong ni Lucky sa kanyang Momski kung kumusta raw si Edgar Mortiz as a partner and co-actor.
Of course, everybody knows na ang first boyfriend ni Ate Vi ay si Bobot (Edgar) at naging phenonemal nga ang Vi-Bobot loveteam noon.
Natatawang kwento ni Vi, napakahigpit daw na BF ni Bobot at napaka-seloso.
“Hindi ako pwedeng magsuot ng mababa ‘yung blouse, hindi ako pwedeng magsuot ng mini-skirt. Diyos ko, may panyo na diyan (sa legs), my gosh. Dito (sa dibdib), may panyo na para takpan. Things like that.
“At saka, ayaw na ayaw niya akong nasasaktan talaga, anak. Talagang inaaway niya ‘yung mga fans. Kaya sabi niya, ‘hindi ako sisikat.’
Ganyan si Bobot ka-protective. Kaya swerte ni Millet (Santos, Bobot’s wife). I love you, guys,” sey ni Ate Vi.
Natanong din ni Luis kung ano ang pakiramdam na masampal ni John Lloyd Cruz. As we all know ay nakatrabaho nilang mag-ina sa pelikulang In My Life.
May nakakatuwang kwento si Ate Vi tungkol sa sampalan scene nila ni Lloydie.
Kwento niya, ayaw daw siyang sampalin ni JLC at inabot sila ng alas-singko ng madaling araw.
Nagsimula raw sila ng mga 2 or 3 a.m. at panay daw ang sabi ng direktor na si Olive “Inang” Lamasan na sampalin na nito si Ate Vi.
“Ayaw niya talaga. Alam mo, bago nagawa ni Lloydie, alas-singko na ng umaga. Ayaw niya ako talagang sampalin,” natatawang kwento ni Ate Vi.
Pero sobra ang paghanga ng Star for All Seasons sa husay ni Lloydie sa pag-arte na aniya ay galing daw talaga sa puso.
Puring-puri rin ni Ate Vi ang sweetness ni Lloydie.
Aniya, “Kasi, hanggang nu’ng nag-hibernate siya, anak, may contact pa rin siya, pinadalhan pa niya ako ng pagkain. Lloydie, thank you.”
SIXTH ANNIVERSARY
Buong pwersang ginunita ng cast ng FPJ’s Ang Probinsyano, sa pangunguna nina Julia Montes at Coco Martin, ang ikaanim na anibersaryo ng pag-ere ng unang episode ng longest-running action drama series sa bansa noong Martes.
Pinasalamatan ni Coco ang viewers at ang lahat ng mga bumubuo sa programa. Aniya, “Sa lahat ng aming mga ka-Probinsyano saan mang sulok ng mundo, maraming, maraming salamat po sa anim na taong pagsama ninyo sa laban ni Cardo. Sa lahat ng bumubuo ng FPJ’s Ang Probinsyano mula sa staff, crew, actors, directors at sa lahat ng mga boss ng ABS-CBN, kami po’y nagpapasalamat sa lahat ng pagmamahal niyo. Maraming, maraming salamat po.”
Nagpahayag din ng pasasalamat si Susan Roces at nagsabing, “Sa loob ng anim na taon, masaya ako na naging parte ako ng pamilyang ito.
Para sa lahat ng mga ka-Probinsyano, maraming, maraming salamat sa pagtangkilik ninyo, sa pagtulong ninyo, sa pagmamahal ninyo.
Pinagbuklod tayong lahat bilang isang pamilya – sa isip, sa puso at sa gawa. Happy, happy sixth anniversary.”
Tinawag naman ni Angel Aquino na pangalawang pamilya ang show.
Kanya-kanya ring nagpahayag ng pasasalamat sa kani-kanilang social media accounts ang ibang co-stars gaya nina Lorna Tolentino, Rosanna Roces, John Estrada, John Arcilla, Rowell Santiago, Joseph Marco, John Prats, Geoff Eigenmann at marami pang iba.
Sa pagpapatuloy naman ng bagong yugto ng serye ngayong linggo, mas mahihirapan si Cardo (Coco) at ang Task Force Agila na magtago mula sa mga otoridad dahil ang pangalan niya ang idadawit ni Arturo (Tirso Cruz III) sa pagkakapaslang ng Black Ops kay Jacob (Marc Abaya), ang isa sa mga pinagkakatiwalaang tauhan ni Renato (John Arcilla).
Patuloy namang umiinit ang agawan ng kapangyarihan nina Renato at Lily (Lorna) sa Palasyo dahil hanggang ngayon ay sinusubukan nilang hanapin si Presidente Oscar bago ito makarating kay Cardo.
Sa nakalipas na anim na taon, naghari ang FPJ’s Ang Probinsyano sa puso ng mga manonood at nagkamit din ng higit sa 100 awards mula sa iba’t ibang award-giving bodies.
Mula sa telebisyon, kinapitan ng mga Pilipino ang kwento ni Cardo hanggang sa digital noong ito ang maging unang Pinoy teleserye na ipinalabas sa YouTube.
Napapanood FPJ’s Ang Probinsyano gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, CineMo, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, WeTV at iflix.
Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.