
LKY ng Singapore
BIGLA akong nainggit na naman sa Singapore nang mapanood ko ang documentary ni Lee Kuan Yew.
Hindi naman natin maikukumpara ang Singapore sa ating bansa dahil ang Pilipinas ay may sukat na 300,000 square kilometers samantalang ang Singapore ay nasa 728 square-kilometers lamang. Halos kasinlaki lang ito ng Metro Manila sa sukat na 619 square-kilometers.
Isang third world country ang Singapore na noon ay “kasal” sa Malaysia bago sila “nagdiborsiyo” noong Agosto 9, 1965 dahil sa magkaibang paniniwalang pulitikal, ekonomiya at mga paraan ng pamamahala.
Sa mga inilabas na video, makikita mong isang malaking bukirin din ang Singapore, marumi rin ang katubigan at malayong-malayo sa pigura niya ngayon.
Iyong pagiging matatag at magaling na lider ni LKY ang nagdala kung nasaan man ang Singapore ngayon. Nagsimula silang walang-wala, nag-umpisa silang isang dukhang bansa.
Ramdam na ramdam natin ang sinsiridad ni LYK na hanguin ang Singapore sa burak ng kahirapan sa pamamagitan ng pagpapairal ng disiplina sa kanilang mga mamamayan, sa mga negosyante at sa lahat ng sektor ng kanilang munting bayan.
“Darating ang panahon, kikilanin tayo kahit saang panig ng mundo, magkakaroon tayo ng sariling pagkakakilanlan na isang maunlad, matatag at madisiplinang mga tao,” sabi pa ni LKY sa kanyang mga campaign speech.
Baka hindi nyo pa alam, ang Singapore passport ang most powerful passport sa buong mundo na tinalo pa ang Japan. Ibig sabihin, kapag Singapore passport ang hawak mo, hindi mo kailangan ng visa para makapasok sa kahit anong bansa.
“Mawawala na ako, marami sa atin ang wala na rito sa mundo pero ang mga susunod na henerasyon natin ang magtatamasa ng lahat ng gagawin nating pagsisikap at pagpupunyagi para sa Singapore.”
“Sinipa tayo kasi maliit tayo pero hindi naman tayo tiniris or piniga na katulad ng orange juice. Katulad natin ay isang durian na kapag piniga mo, masusugatan ka.”
Kaya pala ang isa sa mga icon ng Singapore ay iyong parang durian fruit na Esplanade building na katabi ng Marina Bay Sands na may swimming pool sa tuktok na parang barko. At sangkatutak din ang durian sa Singapore, lalo na sa Gaylang District. Doon pala hinugot ang structure na iyon sa mga pananalita ni LKY.
Ganoong klase ng pagsasalita ang umakay sa mga taga-Singapore para sumunod sa kanilang pamahalaan. Naging inspirasyon nila si LKY dahil totoong inayos ang kanilang bansa.
Hanggang bago sumakabilang buhay si LKY noong 2015, marami pa siyang ginampanang papel sa kaunlaran ng Singapore. Kahit nawawala siya sa pagiging Prime Minister, hinihirang pa rin siyang Senior PM or Guidance for PM.
Baka hindi lang sampung beses akong nakapunta sa Singapore. Katunayan, palagi kong naiikot ang business district nila dahil tuwing umaga ay jogging ang exercise ko doon sa halip na gym.
Mula Orchard hanggang Marina Bay sands mga 3 kilometers lang naman iyon tapos iikot pa ako sa buong Espalanade hanggang Fullerton Hotel pabalik sa Marina Bay Sands at hanggang makabalik sa hotel namin sa Orchard. Maka-10km lang ako, happy na ang buong maghapon sa Singapore.
Ang kapansin-pansin sa Singapore bukod sa sobrang linis, malapad na malapad ang bangketa na walang vendors na nagtitinda. Kapag naputol ang malapad na bangketa, may mga park ka na madadaanann at underpass na malinis at iyong iba, airconditioned pa.
Kaya nga isa ako sa nakikinabang sa generational changes na ginawa ni LKY sa Singapore, lalo na iyong peace and order situation nila.
“Dito sa Singapore, hindi lang kaunlaran ang ginawa namin, ligtas ka kahit saan at kahit lumakad ka ng alas tres ng madaling araw, walang gagambala sa iyo, walang gagahasa sa iyo.” sabi pa ni LKY.
Bukod sa Hong Kong, ang Singapore talaga ang magandang puntahan pero malayo lang biyahe mula sa atin. Nasa tattlong oras at kalahati ang biyahe sa eroplano samantalang ang HK, minsan isang oras at singkuwenta minutos lang naroon ka na.
Ang pagtatakhan mo, bakit nagawa ng isang Lee Kuan Yew ang ganoong klase ng pagbabago na hindi kayang gawin ng iba?
May binanggit din si LKY tungkol sa magagandang halaman, puno bulaklak at landscape na madadaanan mo mula sa Changi airports hanggang city proper:
“Hindi mo na kailangan ng maraming paliwanag para makaakit ng investors at turista. Kapag nakita nila kung gaano kaganda at kaayos ang kanilang dinaanan palabas ng airport, ang unang iisipin ng CEO, magagaling at maayos ang mga namamahala rito.”
Tumpak!