Lito

Lito ilang beses isinalba ng ‘anting-anting’ at guardian angel

December 7, 2024 Ian F. Fariñas 221 views

SA edad na 83, matibay pa rin ang paniniwala ni Buhay Party-List 1st nominee at dating Manila Mayor Lito Atienza na lahat ng tao ay may kanya-kanyang guardian angel.

Ito umano ang gumabay sa kanya sa pang-araw-araw na gawain bilang public servant katulong ang matatag na pananampalataya sa Diyos.

Sa isang pocket interview kasama ang entertainment media, binalikan ni Lito ang aniya’y mga insidente kung saan naniniwala siyang isinalba siya ng kanyang guardian angel.

Noong term daw ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, inutusan siya nito na pumunta sa Kalinga para sa isang dayalogo.

Pero kwento niya, may kakaiba siyang naramdaman noong araw na ‘yon kaya sinuway niya ang request ni PGMA.

“My guardian angel told me ‘don’t take the trip,’” aniya.

Kaya hindi nga siya tumuloy mereseng magalit sa kanya ang dating Pangulo na inalok pa raw ang bagong helicopter na sasakyan sana niya.

Imbes na pumunta sa Kalinga, itinuloy ni Lito ang prior commitment na paglipad sa Guam kung saan naman siya nakatakdang mag-deliver ng speech sa isang okasyon doon.

Natuloy pa rin ang biyaheng Kalinga kasama ang ilang opisyales ng gobyerno kaso nag-crash ang helicopter.

“May anting-anting ako,” bida ng dating alkalde sabay dukot ng isang rosaryo sa kanyang bulsa.

Nakaugalian na raw niya ang pagdadala ng rosaryo sa bulsa mula pa noong bata siya.

Ang isa pang insidente kung saan isinalba umano siya ng kanyang guardian angel ay noong September 11, 2001 o 9/11 kung saan magsasalita dapat siya sa harap ng United Nations delegates.

“Sabi ko, ako pa nag-specify nu’ng titirhan ko. ‘Yung Marriott (Hotel) sa ilalim ng 9/11 … ng ano ng building, World Trade Center. Eh, popular ‘yung hotel na ‘yon. Lahat ng papeles ko, everything, ready na. And yet, last minute, parang may nagsabi sa ’kin, ‘don’t take the trip.’

‘Di makapaniwala ‘yung misis ko. Galit na galit! Sabi ko, ‘’di tayo lilipad,’ ‘bakit?’ ‘’di ko ma-explain, pero ‘di tayo lilipad.’”

At ’yun na nga, nangyari ang pagbomba ng mga terorista sa WTC at ani Lito, nadurog ang Marriott Hotel.

“‘Di lang nababanggit (sa news),” diin niya.

Ganundin ang nangyari noong 1990 kung saan dapat ay titira siya sa Hyatt Terraces Hotel sa Baguio City nang maganap ang malakas na lindol na pumulbos sa halos buong summer capital, kabilang na ang Hyatt Hotel.

“So I consider na lahat tayo may guardian angel. And you are being advised. You just need to listen. Ako, nakikinig ako even as a young man,” giit pa ni Lito.

AUTHOR PROFILE