Default Thumbnail

Lisensya ng PUJ driver na nakasagasa sa P’que sinuspinde

January 3, 2023 Jun I. Legaspi 254 views

SINUSPINDE na ng Land Transportation Office (LTO) ng 90-araw ang lisensya sa pagmamaneho ng drayber ng isang public utility jeep (PUJ) na nakasagasa ng tumatawid sa pedestrian lane sa Parañaque City.

Kasunod ito ng pag-amin ng drayber ng jeep na nabundol nito ang babaeng tumatawid matapos na hindi agad makapagpreno bago makalapit sa pedestrian lane.

Nauna rito, nagpalabas ng show cause order ang Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO laban sa drayber dahil sa pinaniniwalaang paglabag sa DOTC Joint Administrative Order 2014-01 o “Failure to Yield Right of Way for Pedestrian Crossing” at sa Republic Act (RA) 4136 kaugnay ng reckless driving at “Improper Person to Operate a Motor Vehicle.”

Sa isinagawang pagdinig ng IID, inatasan din ang suspek na isuko ang kanyang driver’s license.

“Considering that during the hearing, (the PUJ driver) affirmed that he is the assigned driver of the subject motor vehicle and admitted that he hit/bumped a pedestrian during the incident. Thus, his professional driver’s license is hereby preventively suspended for a period of 90 days, prohibiting him [from driving] any motor vehicle due to the gravity/severity of his acts as a driver,” saad ng ipinalabas na order ng LTO-IID.

“Hawak ng isang drayber ng pampasaherong sasakyan hindi lamang ang kanyang sariling buhay at ng kanyang mga pasahero kundi maging ng mga tao na nasa kalsada. Kung hindi magiging maingat at hindi ire-respeto ang pedestrian lane, ilalagay nito sa alanganin ang ibang tao tulad ng nangyari sa Parañaque City,” pahayag ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo Tugade.

“Magsilbi sana itong paalala rin sa ating mga drayber na namamasada na bagama’t gusto nating kumita, responsibilidad din natin ang kaligtasan ng mga nasa lansangan,” dagdag ng LTO Chief.

AUTHOR PROFILE