Mendoza

Lisensya ng driver na nanutok kanselado

August 29, 2023 Jun I. Legaspi 220 views

SINUSPINDE na ng 90 araw ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng motoristang nanutok ng baril sa isang biker sa Quezon City.

Nilinaw ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II na epektibo habang nagpatuloy ang imbestigasyon sa posibilidad na permanenteng pagbawi ng lisensya nito ang ipinataw na preventive suspension laban kay Wilfredo Gonzales.

“Hindi pa ito ang final decision. Kasalukuyang ini-imbestigahan ang kasong ito at depende sa outcome ng pag-iimbestiga, maaring permanent revocation at lifetime na hindi na siya maiisyuhan ng driver’s license,” dagdag pa niya.

Habang malinaw naman ang hindi magandang asal ni Gonzales sa naturang viral video, sinabi ni Mendoza na kailangan pa ring igalang ang karapatan nito bilang bahagi ng sistemang legal.

“But pending the result of the ongoing investigation, the driver’s license of Mr. William Gonzales is temporarily suspended for 90-days,” ani Mendoza.

May kapangyarihan ang LTO na gawin ito ayon sa RA 4136 sa mga grave offenses na kagaya ng kinasangkutan ni Gonzales.

Naisumite na sa tanggapan ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista ang desisyon laban kay Gonzales.

Nauna nang ibinunyag ni Mendoza na hindi kay Gonzales nakarehistro ang kotseng pulang KIA Rio (ULQ 802) nang mangyari ang insidente noong Agosto 8 sa Quezon City.

Sinabi ni Mendoza na mananatiling epektibo ang Show Cause Order na kanilang inilabas laban sa may-ari ng KIA Rio at inaasahan nila ang paglutang nito sa Agosto 31.

AUTHOR PROFILE