Lino Cayetano binatikos sa mga tarp sa puno, pader
INULAN ng batikos mula sa mga netizens at environmental groups si dating Taguig Mayor Lino Cayetano matapos makita ang mga tarpaulin umano nito sa mga puno at pader sa iba’t-ibang barangay ng Taguig.
Ang paglalagay ng mga tarpaulin sa puno ay kinondena ng marami dahil sa paglabag umano sa RA 3571, ang batas na nagbabawal sa anumang aktibidad na maaaring makasira sa mga puno sa mga pampublikong lugar.
“Hindi po ba pwedeng mas maging responsable ang pangangampanya nang hindi nakakasira sa kalikasan,” komento ni Krisha Hernandez sa kanyang FB account.
Sinabi ng EcoWaste Coalition ang kanilang pagkabahala sa paggamit ng mga puno bilang lugar para sa mga tarpaulin at poster ng mga kandidato sa darating na eleksyon.
“Ang paglalagay ng mga tarpaulin at iba pang campaign material sa mga puno hindi lamang nakakaapekto sa kalusugan ng mga ito kundi nagpapalala rin ng problema sa basura sa ating kapaligiran,” sabi ni Aileen Lucero, National Coordinator ng EcoWaste Coalition.
Nitong nakaraang Linggo, ibinasura ng Election Registration Board (ERB) ng Comelec-Taguig City ang kahilingan ni Lino Cayetano at ng kanyang asawang si Fille na ilipat ang kanilang voter registration mula sa Ikalawang Distrito patungo sa Unang Distrito ng Taguig-Pateros.
Ayon sa ERB, kulang ang mga ebidensiyang naisumite ng mag-asawa upang patunayan ang kanilang paninirahan sa Pacific Residences, Brgy. Ususan.
Sa huli, nananatili ang rehistrasyon nina Cayetano sa Brgy. Fort Bonifacio, kung saan sila nakatira hanggang sa ngayon at kung saan din sila bumoto noong 2023 Barangay at SK elections.