PBB

Limang teen housemates, nominado para sa eviction

March 29, 2022 Ian F. Fariñas 254 views

Umiinit na ang kompetisyon sa loob ng bahay ni Kuya kung saan nominado para sa unang eviction night ng PBB Kumunity Season 10 Teen Edition sina Don Hilario, Kai Espenido, Rob Blackburn, Stef Draper at Stephanie Jordan.

Nakakuha si Rob ng 11 na puntos na sinundan ni Don na may anim na puntos.

Sina Kai, Stef at Stephanie naman ay pawang nakakuha ng tig-limang puntos.

Isa sa kanila ang matutuldukan ang pagiging teen housemate sa Linggo (Abril 3).

Samantala, tinanghal naman na unang Head of Household si Maxine Trinidad kaya ligtas siya sa ginawang nominasyon, habang hindi ginamit ni Gabb Skribikin ang kanyang napanalunang immunity pass sa follower sprint sa Kumu.

Pwede niya itong gamitin sa anumang punto ng kompetisyon habang nasa loob siya ng bahay ni Kuya upang makaligtas sa nominasyon.

Kahit hindi pinalad ang housemates sa kanilang basketball choreography weekly task, nagwagi naman sina Dustine Mayores, Luke Alford at Paolo Alcantara sa kanilang sacrifice task upang matulungan ang tatay ng kasamahan na si Gabb sa pagpapagamot nito sa malubhang sakit.

Kahit natagalan silang maka-shoot ng lay-up, free throw, three-point basket at half-court shot kasama si Gabb nang limang beses na hindi nagkakamali, hindi sila tumigil upang makatulong sa kapwa housemate hanggang sa magtagumpay sila.

Bumuhos naman ang luha ni Gabb nang malaman ang sakripisyo ng kanyang housemates at nang mapanood ang mensaheng pasasalamat mula sa ama na nakikipaglaban sa sakit.

Sino kaya ang unang magpapaalam sa bahay ni Kuya? Kaninong kwento pa kaya ang magpapaantig sa viewers?

Abangan sa PBB Kumunity Season 10 Teen Edition. Sundan ang official PBB social media accounts na @PBBabscbn sa Twitter at @PBBabscbntv sa Facebook at Instagram sa at manood ng Kumulitan sa @pbbabscbn sa Kumu ng 5:45 p.m. at Kumunity G sa Gabi, 9 p.m., kasama ang ex-adult housemate ni Kuya na si Isabel Laohoo ngayong linggo.

Tutok lang sa PBB Kumunity Season 10 Teen Edition sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Jeepney TV, A2Z, iWantTFC at TFC tuwing 5:45 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes at ang replay nito tuwing 11:10 p.m.

Iere naman ito tuwing 7 p.m. kada Sabado at Linggo.

AUTHOR PROFILE