Default Thumbnail

Life cycle na problema ng gobyerno

November 8, 2021 Allan L. Encarnacion 2430 views

Allan EncarnacionHINDI ko alam na naging alyas Delpan na pala ang ilalim ng Camachili Bridge sa Balintawak-Balumbato.

Nakadaan ulit tayo sa area na iyon nito lang isang gabi kaya hindi ko akalain na nalipat na pala sa Balumbato ang Delpan ng Maynila dahil sangkatutak na ang bahay sa ilalim ng tulay.

May mga housing project ang Quezon City government kaya nanawagan tayo kay Mayor Joy Belmonte na ipalinis ang naturang lugar na nagmistula na namang squatters colony.

Mabigyan din sana ng maayos na matutuluyan ang mga kababayan natin doon para malinis ang lugar.

Malaki ang kasalanan ng barangay officials sa pagiging pugad ng mga homeless ang ilalim ng tulay na kalaunan ay nagtayo na ng kanya-kanyang bahay.

Libu-libo ang bahay na ipinatatayo ni Mayor Joy para sa mga homeless sa lungsod kaya nanawagan tayong makasama sa programa ang mga nasa ilalim ng tulay ng Camachili.

Nito lang nakaraang araw, binuksan ang condominium/housing projects ng city sa Balingasa area sa A. Bonifacio, QC para sa mga poorest of the poor. Umaasa tayong maisama sa mga beneficiaries ang mga residente sa ilalim ng tulay.

Maraming nakahanay na proyektong-pabahay si Mayor Joy para sa mga mahihirap sa lungsod kaya umaasa tayo na pati iyong mga residente sa ilalim ng tulay sa Congressional Avenue at Mindanao Avenue ay mabigyan din ng pabahay.

Nagsisimula na ring maging squatters colony ang center island ng Edsa, Balintawak, QC papuntang Caloocan.

Sa dami ng mga homeless na nakikita natin saan mang parte ng Metro Manila, mukhang hindi na updated ang 500,000 housing backlogs sa NCR na dating iniulat ng NHA at ng Philippine Statistics Authority (PSA). Hindi natin alam kung kailan at kung ano ang totoong solusyon sa problema natin sa pobahay.

Isipin nating mabuti, ang squatters ngayon na may lima or pitong anak, pagkalipas lang ng 15 to 18 years, may bago na namang pamilya ang kanilang mga anak na tiyak ang napangasawa ay kapitbahay din nila na wala ring sariling tahanan. Pag mamalasin, wala ring trabaho ang napangasawa.

Iyong babae, bata ring nabuntis at hindi rin nakapag-aral. Ang mangyayari, mag-aanak naman iyong mag-asawang jobless at homeless kaya magkakabit na naman sila ng bagong trapal na masisilungan nila.

At ang masakit, ang mga kasunod nilang lahi, hindi na naman makakapag-aral, tambay na naman at pareho ng circle o komunidad ang kanilang iniikutan.

Ganoon na ang cycle ng buhay nila kaya palaki nang palaki ang problema ng gobyerno saan mang aspeto ng buhay ng mga taong nasa ganitong sitwasyon.

Hindi ko alam kung dapat ba nating ipatupad na rito ang two child or no child policy sa mga taong walang kakayahang magtaguyod ng pamilya. Wala naman akong mahanap na paliwanag kung bakit iyong mga walang trabaho, sangkatutak pa ang anak!

Silang mga walang kakayahan, madalas, sila pa ang galit sa gobyerno na pakiramdam nila ay pinabayaan sila.

Kung hindi natin puputulin ang cycle na ito sa pamamagitan ng Solomonic decision ng sinumang bagong Pangulo sa 2022, aba’y habambuhay na tayong walang pag-asa sa bayang ito!