Allan

Liderato ni Mayor Honey malinis, disente

August 16, 2024 Allan L. Encarnacion 341 views

MAY magbabalik sa Maynila?

Hindi tao ang aking tinutukoy.

Ang ibig kong sabihin dito ay ang pagbabalik ng mga proyekto at sistematikong programa para sa mga mamamayan ng lungsod.

Sa nakaraang dalawang taon, naging abala si Mayor Honey Lacuna sa pagsisinop ng pera ng lungsod para mabayaran ang mga hindi naman niya utang. Sana all marunong magbayad ng utang!

Bagama’t hindi naman naging paralisado ang kanyang pamamahala dahil sa P17 bilyong utang na kanyang dinatnan, puwede nating sabihing ang maraming plano ni Dr. Lacuna gaya ng imprastraktura at iba pang programa para sa kapakanan ng mga mamamayan ng lungsod, hindi naman napayabaan ang mga importanteng aspeto ng paglilingkod gaya ng mga basic services at mabilis na pagresonde’t ayuda tuwing may kalamidad.

Mahirap naman talaga iyong darating ka sa isang bahay na baon pala sa utang, wala ka na talagang magagawa kung hindi ayusin muna ang lahat para makapagsimula ka nang maayos. Hanga rin naman tayo kay Mayor Lacuna kasi makikita mo kung anong klaseng karakter at kung anong uri siya ng lider.

Kung ibang pulitiko yan, sa halip na magbayad, baka mas lalo pang mangutang para lang makakomisyon mula sa mga uutangang mga financial institutions!

Pero in fairness kay Mayor Honey, habang abala siya sa pagbabayad ng utang at paglilinis sa mga kalat na kanyang dinatnan, nakabuo pa rin siya ng mga plano para sa lungsod.

Maraming mga flagship projects si Mayor for implementation na sa ilalim ng Magnificent Manila gaya ng New Pritil Market, San Andres Sports Complex and Convention Center, New Kalinga sa Maynila Center, Plaza Azul People’s Park, Disaster Management Office-Convention Center at Manila Civic Greens Center.

Hindi ko ma-imagine, labing pitong bilyong obligasyon, baon na baon pala hanggang leeg sa utang ang Maynila! So far, nasa P2.307 bilyon na ang nababayaran ng Lacuna administration sa loob lamang ng dalawang taon. Palibhasa’y “nanay-sanay sa multi-tasking”, kahit nagbabayad ng utang ay nakapaglilingkod pa rin sa mga mamamayan si Mayor Honey sa pamamagitan ng malawak na health programs at mga livelihood sa mga poorest of the poor sa lungsod bukod pa ang scholarship sa mga mahihirap subalit deserving students.

Iyong ganitong klase ng liderato ni Mayor Honey na malinis at disente ang major factor kung bakit ang malalaking business group, mga civic group, working class, thinking class at mga pangkaraniwang mga mamamayan ay nakasuporta sa kanya.

Kaya nga kung mayroon mang magbabalik sa Maynila, iyon ang lungsod na umaahon na sa mga pagkakalibing sa utang, isang lungsod na nagsisimula nang bumangon kahit pinahirapan ng pandemya.

[email protected]