Libreng uniporme, gamit pang-eskuwela ipinamahagi ng Taguig City
Sa mahigit 190K na mag-aaral
NAGING maayos ang pamamahagi ng libreng kagamitan at uniporme ng mga mag-aaral sa lahat ng pampublikong paaralan sa Taguig City bago pa magsimula ang pagbubukas ng klase.
Mismong si Mayor Lani Cayetano ang nangasiwa sa distribusyon ng kumpletong school supplies at uniporme sa mahigit 190,000 na mag-aaral sa may 52 paaralan sa lungsod nito lamang Hulyo 27, araw ng Sabado.
Upang maging maayos ang distribusyon ng pinahusay na disenyo at materyales ng mga gamit at uniporme ng mga bata na ibinatay sa rekomendasyon ng mga magulang at guro, ipinadaan ang mga ito sa class adviser ng bawa;t silid aralan na may libre pang serbisyo ng pagsasaayos upang matiyak na wasto sa sukat ang uniporme.
Binigyang diin pa ni Mayor Lani Cayetano na bahagi ito ng pangako nila na maitaas ang antas ng edukasyon. “Dito sa Lungsod ngTaguig, mahigit isang dekada na nating ginagawa na tanggalin ang burden sa mga magulang sa tustusin para sa mga gamit ng mga anak. Lagi po naming pinagsusumikapan na hindi maranasan ng mga magulang ang hirap; na maramdaman nila na katuwang nila ang Lungsod Taguig sa pagpapaaral ng kanilang mga anak. Sana po ito’y lagi nating pahalagahan,” sabi ng alkalde.
Nagpasalamat naman ang mga magulang ng mga batang mag-aaral sa alkalde at sa Pamahalaang Lungsod ng Taguig sa pagtulong sa kanila na mabawasan ang gastusin lalu na’t mataas ang halaga ngayon ng mga gamit ng mga estudyante.
Bahagi na ng Taguig City sa kanilang dedikasyon sa edukasyon ang pagkakaloob ng libreng uniporme at gamit ng mga mag-aaral na parte ng inilalaan nilang pinakamataas na scholarship budget sa buong bansa sa halagang P850 millyon para na rin matiyak na maipapatupad ang mahigpit na panuntunan na walang magaganap na koleksiyon upang manatiling libre at katanggap-tanggap sa mga mag-aaral ang mag-aral sa lungsod.