Libreng matrikula sa mga abogado, nais ni Sen. Tulfo

December 20, 2022 Paul M. Gutierrez 103 views

PaulNAIS ni Senator Raffy Tulfo na gawing libre ang matrikula para sa mga mag-aaral na kukuha ng abogasya sa mga state universities and colleges (SUCs) o mga pamantasan na pinopondohan at pinapatakbo ng pamahalaan.

Ito ang laman ng kaniyang panukalang batas na Senate Bill 1610 o ang Free Legal Education Act of 2023 para madagdagan ang mga nasa propesyon na lubhang kinakailangan ng Pilipinas. Laman din ng batas na ito na kinakailangang maglaan ng panahon ng serbisyo ang mga benepisyaryo nito sa panahon na sila ay ganap na na abogado.

Ibig sabihin, maglalaan sila ng dalawang taong serbisyo sa Public Attorney’s Office o PAO na siyang nagbibigay serbisyo sa mga taong walang kakayanang makakuha ng abogado para ipagtanggol ang kanilang mga sarili o maging sa mga kasong kinakailangan ng serbisyong legal.

Ayon kay Sen. Tulfo, layon nitong matugunan ang kakulangan ng mga abogado sa bansa lalo na iyong mga nagbibigay ng serbisyo sa publiko kagaya ng PAO. Sa datos kasi ng Integrated Bar of the Philippines o IBP nasa 40,000 abogado lamang ang mayroon sa bansa at mas maliit pa ang mga talagang nagpa-practice nito.

Hindi kasi lahat ng nakakatapos ng abogasya o nakakapasa ng bar exam ay kaagad na nagiging practicing lawyer. Ang iba ang nagiging mga corporate lawyer o nagtatrabaho sa iba. Mayroon ding napupunta sa ibang propesyon gaya ng pagtuturo o mga nasa pamantasan.

Kaya sa datos, sa 40,000 abogadong mayroon, lumalabas na mayroong isang abogado para sa 2,500 katao. Malayong-malayo sa isang abogado sa 250 katao na ideyal. Kaya naman nagiging masalimuot ang paglakad ng mga kaso dahil dito.

Nagreresulta ito sa mas mabagal na takbo ng mga kaso dahil sa dami ng kaso na hinahawakan ng mga abogado sa publikong sektor o sa PAO. Kaya naman mas higit na nagtatagal minsan sa kulungan ang mga inaakusahan. Ang masakit pa dito ay kung inosente talaga sila. Imbes na makausad kaagad ang kaso ay nagtatagal pa sila sa kulungan dahil lamang sa kakulangan ng abogado.

Hindi rin kasi talaga biro ang mag-abogado. Sa mga nasa pribado naglalaro sa P75,000 ang semester ang kailangang bayaran base sa datos na inilabas ni Sen. Tulfo. Nasa P24,000 hanggang P30,000 naman kada semester sa mga SUCs na hindi rin naman biro ang halaga.

Ito ay sa usapin ng matrikula pa lamang at hindi pa kasama ang iba pang mga gastusin kagaya ng mga libro at iba pang bayarin sa pamantasan.

Kaya naman may mga taong kahit na may kakayanan ang utak pero wala namang kakayanan ang bulsa ang hindi nakakatuntong man lamang para makapag-aral ng abogasya.

Dahil dito, hindi maitatanggi na isang magandang batas ang isinusulong na ito ni Sen. Tulfo. Umaasa tayo na hindi ito magkakaroon ng pagtutol sa Senado dahil nakikita natin ang kahalagahan nito.

Kasama sa mga matutulungan ng panukalang batas na ito ang mga mahihirap na nais maging abogado. Mas makakaroon sila ng pagkakataon na matupad ang kanilang mga pangarap.

Isa pa sa makikinabang dito ang mga akusado lalo na yung mga nakakulong na walang kakayanan na ipagtanggol ang kanilang sarili. Dahil aminin man natin o hindi, laging nagiging mas lamang ang mga may pera na makakuha ng magaling na abogado.

Sa batas na ito, kahit paano ay inaasahan natin na mapabilis ang serbisyong legal na kinakailangan ng ating mga kababayan at makatulong sa kakulangan ng abogado lalo nasa PAO.

Kaya naman, uulitin natin na isang malaking hakbang ang panukalang batas na ito ni Sen. Tulfo para sa pag-usad ng hustisya sa ating bansa lalong-lalo na para sa mga mahihirap.

AUTHOR PROFILE