Libreng bike sa mga manggagawa!

June 5, 2021 Marlon Purification 250 views

Marlon PurificationGUSTO ko ‘tong bagong panukala ni Senadora Grace Poe.

Hinimok niya ang pamahalaan at pribadong sektor na bigyan ng bisikleta ang mga mahihirap na manggagawa para mapadali ang kanilang biyahe at hindi na kailangan pang makipagsiksikan sa anumang pampublikong sasakyan.

“Sa ganitong paraan, maaari nating mapakilos ang daan-daang libo nating mga kababayan nang hindi kailangang maghintay ng matagal,” pahayag ni Poe.

Ang mga pre-owned na bisikleta na gawang Japan ay mabibili lang online sa halagang P2,500 hanggang P3,000.

“Para sa mga manggagawang umaasa sa arawang kita, ang halagang ito ay hindi abot-kaya,” saad ni Poe.

Hinikayat niya ang pamahalaang bumili ng bultu-bultong mga bisikleta at gamitin ang P1.316 bilyong pondo para sa mga sidewalk, bike lane, bike-sharing at lending program sa ilalim ng Republic Act 11494 o Bayanihan to Recover as One Act.

Bilang subsidiya sa mga manggagawa, ang pamimigay ng bisikleta ay maaaring pondohan mula sa ilang mga pandemic mitigation program sa national budget, sabi ni Poe.

“Kesa pera, pwede kasi ibang klaseng CCT—Cycles for Citizens Transfer—na mas mainam. Nakatanggap ako ng sulat mula sa isang manggagawa na nagsabing ang kailangan nila ay ibang 4Ps, na tinawag niyang “Pedal Project sa Panahon ng Pandemya,” lahad ng senadora.

Batay sa datos, ang Pilipinas ay may 2.1 milyon unit ng imported na bisikleta noong 2020, doble ito sa 1.1 milyong unit na naitala noong 2019.

“Kung tama ang mga ad na P3,300 ang presyo ng isa, ang P100-milyong alokasyon ay makapagbibigay mobilidad sa 33,400 na mga manggagawa,” ayon kay Poe.

“Habang patuloy tayong naglalagay ng mga bike lane, tapatan natin ito ng pagkakaloob ng mga bisikleta para sa mga mahihirap nating manggagawang nagdurusa sa pagpapalipat-lipat sa mga pampublikong transportasyon. Ligtas pa, kasi sa mga siksikan na sasakyan, baka seatmate mo si corona,” dagdag pa ni Poe.

Libreng bisikleta umarangkada sa Caloocan!

Speaking of bisikleta, may ipamimigay na bisikleta rin ang isang Milenyal na Konsehal sa Caloocan City sa katauhan ni Sangguniang Kabataan Federation (SKF) President, Councilor Vince ‘ConVINCEd’ Hernandez.

Ang pamimigay ng bisikleta ay para sa mga Tatay sa lungsod bilang pagkilala sa kadakilaan ng Haligi ng Tahanan ngayong Father’s Day.

Idadaan sa Tiktok Challenge ang pamamahagi ng bisikleta. Pipili sila 20 pinakamagandang entries at 10 rito ang mananalo ng bike.

Naging matagumpay kamakailan ang pagdiriwang ng Mother’s Day kung saan ay 10 nanay sa lungsod ang nanalo ng tig-P5,000 habang lima ang may tig-P1,000 at 500 mommy naman ang tumanggap ng libreng t-shirt at sertipiko ng pagkilala dahil sa kadalikaan ng ating mga Ilaw ng Tahanan.

Viral sa lungsod ang pa-contest ni Hernandez na kinainggitan na rin ngayon sa ilang bayan at lungsod.

Sigurado, maraming Tatay na Tiktoker ang daragsa rin sa naturang pa-contest dahil batid nating lahat na sa social media, katulad ang nakatutuwang Tiktok, idinadaan ng mga mahihirap nating kababayan ang kanilang lungkot, pagkabagot at depresyon likha ng pandemya.

Sa mga gustong sumali, puntahan po ninyo ang FB Page ni Konsehal Vince Hernandez at Convinced Army at nandun po ang mechanics ng patimpalak.

Nag-Tiktok ka na nga naman, mananalo ka pa ng bike na malaking tulong para sa pagpasok nila sa kani-kanilang trabaho.

Gagawa tayo ng hiwalay na artikulo tungkol sa pa-bisikleta ni ConVINCEd.

Ngunit ngayon pa lang ay pabor na tayo sa panukala ni Senadora Grace Poe sa libreng bisikleta sa mga manggagawa at sinasaluduhan din natin ang magandang patimpalak sa Caloocan na kahit simple ay malaking tulong para sa ating mga kahanga-hangang Ama na hindi tumitigil sa pagbabanat ng buto alang-alang sa kanilang pamilya – may COVID-19 man o wala!