Drugs Ang mga iligal na droga na nakumpiska na inihalo sa condiments at dried shrimp. Larawan mula sa Customs-NAIA

Liberian nat’l tiklo sa P56.3M shabu sa NAIA T3

June 6, 2023 Jun I. Legaspi 281 views

ISANG Liberian National ang dinakip ng mga awtoridad matapos umano itong mahulihan ng iligal na droga na nagkakahalaga ng aabot sa P56.3 milyon sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (NAIA T3), sa Pasay City Lunes.

Ayon sa Bureau of Customs-NAIA (BOC-NAIA), itinago ng airline passenger ang walong kilong shabu sa luggage kahalo ng mga condiments at dried shrimp.

Subalit hindi ito nakaligtas sa mga airpot X-ray personnel ng mapansin ang kahina-hinalang mga imahe nang isailalim ang dalawang itim na bag sa regular X-ray scanning machine kasama ang check-in baggage ng ibang pasahero.

Nang buksan ang mga bagahe na naglalaman ng spices at dried shrimp, dito na tumambad ang mga shabu.

Sa actual test na ginawa ng mga awtoridad, nakumpirma na iligal na kontrabando ang mga ito.

Todo-tanggi ang suspek na sa kanya ang bagahe at iginiit na nagpunta lang siya sa bansa para mag-aral.

Napag-alaman na ang Liberian na sinasabing may-ari ng bagahe ay hindi pinapapasok ng Bureau of Immigration (BI) dahil kulang ang mga dala nitong dokumento.

Galing umano sa Nigeria ang dayuhan at kumuha ng connecting flight sa Qatar patungo sa bansa.

Inilipat na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang suspek at patuloy ang isinasagawang imbestigasyon. Jun I. Legaspi & Alfred Dalizon

AUTHOR PROFILE