Gatchalian

LGUs dapat lumahok sa paghahatid ng de-kalidad na edukasyon

October 13, 2023 Camille P. Balagtas 163 views

SA GITNA ng pagdiriwang ng local government week ngayong ikalawang linggo ng Oktubre, muling isinusulong ni Sen. Sherwin Gatchalian ang kanyang panukala na patatagin ang pakikilahok ng mga local government units (LGUs) sa paghahatid ng de-kalidad na edukasyon.

Nauna nang ipinanukala ito ni Gatchalian sa 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 155) na naglalayong palawigin ang local school board, pati na ang mga responsibilidad nito tungo sa pag-angat sa kalidad ng edukasyon sa kanilang komunidad.

Ipinapanukala din ng mambabatas ang pagpapalawig sa paggamit ng Special Education Fund (SEF).

Sa ilalim ng Local Government Code (Republic Act No. 7160), nakalaan ang SEF para sa local school board upang magamit sa pagpapatakbo ng mga pampublikong paaralan at pagpapatayo at pagkumpuni ng mga school buildings.

Matatandaang nanungkulan si Gatchalian ng tatlong termino bilang alkalde ng Valenzuela kung saan isinulong niya ang mga reporma sa edukasyon.

Gamit ang kanyang karanasan bilang batayan, binigyang diin ni Gatchalian na mas mabilis ang mga LGUs tumugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.

Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, bibigyan ng mandato ang local school board na magpatupad ng mga programa na susukatin ang tagumpay batay sa participation rate ng mga mag-aaral, bilang ng mga dropouts at mga out-of-school youth, achievement score sa mga national test o assessment tools, pagpapatayo ng mga child development centers, suporta sa special needs education, Alternative Learning System (ALS) at ang parent effectiveness service program.

Ipinapanukala rin ni Gatchalian na palawakin ang paggamit ng SEF upang magamit ito bilang sahod sa mga guro at non-teaching personnel sa mga pampublikong paaralan, sahod ng mga pre-school teachers at capital outlay para sa mga pre-school.

Bahagi rin ng panukalang pagpapalawak sa gamit ng SEF ang pagpapatakbo ng mga programa sa ALS at sahod at mga benepisyo ng mga guro sa mga karagdagang serbisyo sa labas ng regular school hours, bukod sa iba pa.