Default Thumbnail

LGU pandemic rebooth: Buhayin ang mga parke

November 12, 2021 Allan L. Encarnacion 227 views

Allan EncarnacionMAGANDA rin ang nangyaring pandemic dahil nag-rebooth tayong lahat sa ating mga dati nang nakagawiang lifestyle.

Iyong mga dating hindi naman health conscious at walang pakialam, nakasama na ring sa mga joggers, bikers at mga morning persons.

Iyong mga dating ang buhay ay kumain na lang sa labas, nag-back to basic. Nagluluto na rin madalas para sabay-sabay makakain ang pamilya.

Nang hindi na maging normal ang operations ng mga malls, nagbalikan lahat tayo sa mga parke na karaniwan nating tambayan noong mga 70s at 80s.

Speaking of parke, dapat dito na ang pokus ng mga local government, lalo na iyong mga marami pang open area. Dito sa Metro Manila, tanging ang Quezon City na lang ang may malalaking lote na puwedeng maging park. Gaya ng QC Memorial Circle at UP campus na open for public.

Ang Makati, mayroon silang Triangle Garden bagama’t okey naman siya, in terms of size, hindi siya ganoong ka-ideal maging parke.

Ang Maynila, naroon naman ang Rizal Park na sentro ng lahat ng pasyalan magmula pa sa ating kamusmusan.

Ang BGC, bagama’t concrete jungle na siya ngayon, marami pa ring open space na ginawang mini park.

Nitong nakaraang Huwebes, naghatid ako ng misis sa Malolos na dadalaw sa kanyang kapatid. Dahil 5:45 a.m.kami umalis ng QC, balak kong mag-jogging pabalik sa QC Circle para hindi sayang ang oras kaya naka-jogging suit na ako on the way sa Bulacan.

Pero naisip kong kakain pa ng oras ang biyahe kung dederetso pa akong QC Circle, sinubukan kong mag-jogging sa Phililippine Arena sa Bocaue, Bulacan. Sulit naman, maganda ang lugar, maraming functional toilet pero walang nagtitinda ng bottled water kaya next time magdadala na ako.

Ang maganda sa Arena, malinis at para kang tumatakbo sa Rodeo Drive ng Beverly Hills sa Los Angeles dahil maayos ang landscaping at alaga ang mga puno’t halaman.

Ang pakiusap lang natin sa mga joggers, huwag salaulain ang paggamit ng toilet para hindi naman nakakahiya sa Philippine Arena management na nagpapagamit ng kanilang pribadong pasilidad.

Malaking bagay ang pagbubukas sa public ng arena ng INC dahil nagkaroon ng bagong parke ang marami nating kababayan sa Bocaue at mga karatig bayan.

Ito iyong sinasabi kong mag-refocus dapat ang mga local government ng kanilang mga development plans, sa NCR man or sa mga lalawigan. Kasama na dapat palagi ang parks development at parks construction sa annual budget para may choices ang ating mga kababayan na puwedeng puntahan kung ayaw mag-malls.

Bukod sa napakamurang entertainment ang mga park na puwede kang magbaon ng pagkain at mauupo lang kayo ng inyong pamilya sa nakalatag ng banig sa damuhan, magbibigay pa ito ng bonding time sa mag-anak.

Balik tayo sa dati nating buhay, iyong nakatambay ka lang sa parke habang naghihintay ng sunrise or sunset.

[email protected]