Leni suko na: Di natin kakayanin

April 30, 2022 Lee Ann P. Ducusin 276 views

KUMAKALAT ngayon sa social media ang isang viral video ni Leni Robredo na tuwirang umamin na hindi na nila kakayanin na ipanalo ang eleksyon dahil ilang araw na lamang ang nalalabi at halalan na sa Mayo 9.

Sa naturang video na umani na ng daan-libong views, kita na tinitingnan ni Robredo sa mapa ang mga lugar na napuntahan na nila sa pangangampanya at kung saan ay nakikita rin ang mga lugar na mahina ang kanyang kandidatura sa pamamagitan ng color-coded markings.

At dahil napansin niya na napakaraming lugar kung saan ay alam niyang mahina siya at kailangan niyang puntahan ay tahasan niyang inamin sa mga kausap at maging sa kumukuha ng video na mahihirapan na sila at hindi na nila kakayanin.

Nakalimutan niya na may kumukuha sa kanya ng video nang aminin niya na hindi na niya kakayanin ang halalan.

“Marami pa, 13 days… ‘di natin kakayanin,” pag-amin ni Robredo.

Pero kita rin sa mukha nito na nagulat ito nang makita na mayroon palang sumusunod sa kanya para mag-live sa kanyang official Facebook account.

“Ay, naka-live pa pala,” gulat na sinabi ni Robredo sabay agad itong nagpaalam sa kanyang mga manonood.

Matatandaan na sa lahat ng mga survey ay nasa malayong pangalawa si Robredo kay presidential front-runner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na tila naka-semento na ang panalo sa darating na halalan.

Sa pinakahuling survey ng Laylo Research, tumaas pa ang bilang ni Marcos sa 64 porsyentong voter preference, mula sa kanyang 62 porsyentong iskor nitong nakaraang Marso.

Nasa malayong pangalawang puwesto lamang si Robredo na nakakuha ng 21 porsyento o may kabuuang 43 percentage points ang lamang ni Marcos dito.

Ilang eksperto na rin ang umamin na mahihirapan nang makahabol pa si Robredo dahil sa laki ng ipinapakitang lamang ni Marcos sa lahat ng mga survey.

Ayon pa sa Pulse Asia kamakailan, posibleng si Marcos ang kauna-unahang “majority president” simula nang ipatupad ang multi-party system sa bansa dahil sa laki ng lamang nito sa mga kalaban.

AUTHOR PROFILE