
Leni kinuyog ng mga karibal!
Dahil sa bantang magkakagulo pag siya’y natalo
KINUYOG ng tatlong presidential candidates si Leni Robredo kaugnay ng banta niyang magkakagulo ang Pilipinas kapag hindi siya nanalo sa darating na May 9elections.
Sa press conference sa Manila Peninsula Hotel sa Makati City nitong Linggo, sinabi ni Aksyon Demokratiko standard bearer Isko Moreno na hindi maganda ang ganitong uri ng pahayag dahil magdudulot ito ng takot sa mamamayang Pilipino.
“Iyon ang nakakatakot. It shows the character. Bakit kapag natalo ka sa eleksyon ay iisipin mo magkagulo? Kasi nga wala kang respeto sa kapwa mo. Iyon ang sinasabi namin dito na kami, we will protect the democracy,” ani Moreno.
“Narinig n’yo naman si (former Defense) Secretary Gonzales. The will of the people. Kung ano ang will ng tao, dapat suportahan natin. Hindi iyong hindi pa nagdedesisyon ang tao, sine-set na natin ang mind na magkakagulo,” wika pa niya.
Ani Moreno: “Iyong sinasabi ni Senator Ping (Lacson) about dun sa mga ibang opisyales, ako nakikita ko, alam mo ang gagawin nila, ihanda na ninyo. Gagawa sila ng malaking rally, the same rally, rally, rally, pero ito na iyong rally na para mong sinasabi na kapag hindi n’yo kami binoto magkakagulo, “ dagdag pa ni Isko.
Para kay independent presidential bet Norberto Gonzales, kung susuriin ang galaw ng kampo ni Robredo, hindi malayong gawin nila ito.
“Iyong kinakalat nila sa social media, kung titingnan natin ay naghahanda sila (na) parang magkakagulo tayo…..That means they will be pre-judging our people, hindi dapat,” ani Gonzales.
Sinabi nitong mag-uusap pa sila nina Moreno at ng isa pang presidential candidate na si Ping Lacson upang matiyak na magkakaroon ng credibility ang darating na halalan.
“Any attempt sa mga ganitong bagay I support Secretary Norberto Gonzales po,“ dagdag naman ni Moreno.
Para kay Lacson, kung totoong may ganitong uri ng pahayag si Robredo, ito’y napaka-iresponsable at hindi nararapat manggaling sa isang bise presidente ng bansa.
“(That’s) very irresponsible and uncalled for,” sabi pa ni Lacson.
Sina Moreno, Gonzales at Lacson ay nagpatawag ng pulong pambalitaan nitong Linggo upang pormal na lagdaan ang kasunduan na nagsasabing hindi sila aatras sa kanilang kandidatura at tinitiyak din nilang dapat magkaroon ng malinis at patas na halalan sa darating na Mayo.
“Kami ay magsasanib-puwersa upang labanan ang anumang pagtatangka na baluktutin ang totoong pagpapasya ng taumbayan sa pamamagitan ng mga paggalaw na hindi kanais-nais o di kaya maglimita sa malayang pagpili ng ating mga kababayan,” anang joint statement na pinirmahan ng tatlong presidential candidates at nina vice-presidential bets Dr. Willie Ong at Senate President Tito Sotto.
Ayon sa kanila, maging si PROMDI presidential bet Manny Pacquiao ay kaisa sa panawagang ito. Hindi lamang anila ito nakarating sa ipinatawag na presscon dahil paluwas pa lamang ito mula sa General Santos City.
Samantala, tumanggi si Lacson na magbigay ng komento hinggil sa posibleng paggamit ni Robredo sa puwersa ng teroristang NPA upang guluhin ang bansa.
“I don’t want to speculate on that. Basta’t sa akin, irresponsible and uncalled for to say the least iyong statement na ganun, coming from second highest official of the land and a candidate for president. Napakairesponsable,” sabi pa ni Lacson.
Si Lacson kung matatandaan ang unang nagbunyag ng pakikipag-alyansa ni Robredo sa mga teroristang NPA saka kinumpirma mismo ng Pangulong Duterte at sinabing may plano ang dilawan na guluhin ang nalalapit na halalan.
“Ang tinitingnan ko, hindi nya (Robredo) pinaniniwalaan ang resulta ng survey kaya naghahanap siya ng option and possibilities. Dito sa sinasabing possible terrorist action, hindi ko masasabi na walang communist sa group ni Vice President. I can say, yeah there are, there are. Pero depende sa response nila ang pinag-uusapan,” sabi naman ni Gonzales,
Ayon sa kanya, ang eksperto sa panggulo at paghahasik ng lagim ay mga teroristang NPA mismo. “Hindi ko alam kung how deep is their understanding pero ang komunista, laging hinahanap ang ganyang klaseng operation kasi mas sanay sila dyan,” sabi pa ni Gonzales.
Para kay Moreno, ang ganitong uri ng pagbabanta at pakikipag-alyansa ni Robredo sa mga teroristang NPA ay patunay na mas mahal nito ang sarili kaysa sa bayan.
“It only proves, mahal lang nila ang sarili nila. Hindi nila mahal ang bansa at ang Pilipino. Kasi kung ang mahal mo ang bansa mo at kapwa mo, tama po si Senator Ping, you’re the second highest official of the land, ikaw ba mismo maghihikayat ng kaguluhan? Anong buti ang idudulot nito sa taumbayan? Anong buti ang idudulot nito sa ordinaryong pamilyang Pilipino?” sabi pa ni Moreno.