Lehitimong taga-San Juan

April 25, 2022 Allan L. Encarnacion 309 views

Allan EncarnacionMabigat ang labanan sa pagkakongresista ng San Juan City.

Isa sa mga kumakandidato dyan ay ang consistent No. 1 Councilor na si Konsehala Jana Ejercito, anak ng kaibigan nating si Ka Jesse Ejercito.

Kung pera ang pag-uusapan, walang laman ang maleta ni Jana kung hindi ang kanyang performance sa konseho at ang agresibong pagkilos para matulungan ang mga mamamayan ng San Juan, lalo na noong kainitan ng pandemic.

Hindi naman basta-basta itong si Jana dahil La Sallista ito at palaging nakadepensa sa mga ordinansang gigipit sa mga mamamayan ng lungsod.

Ang kagandahan dito kay Jana, lehitimomg residente ng San Juan dahil kilala naman natin ang mga Ejercito kung saan talaga sila nagmula. Siyanga pala si Ka Jesse ay kapatid naman ni Mayor Erap na dating ring alkalde ng San Juan.

Mahabang panahon na ring nagserbisyo ang pamilya ni Jana sa lungsod kaya hindi rin niya matanggihan ang panawagan ng kanyang mga kababayan na kumandidato sa pagkakongresista kahit na nga ba wala siyang malaking campaign funds.

Ang balita natin, nag-aambagan lang ang ibang mga supporters ni Jana para mas mapalawak ang kanyang kampanya pero kahit ganoon ay nangunguna siya palagi sa mga surveys. Marami ring mga volunteers na tumutulong sa kampanya ni Jana na sa tingin natin ay indikasyon ng kanyang mga nagawa para sa lungsod.

Iyong sinasabi kong taal na taga-San Juan si Jana, maganda rin maging sukatan ito ng pagboto ng mga taga-San Juan. Si Jana kasi ay kakilala ng lahat ng kanyang kapitbahay mula sa mga naging kaklase, kalaro hanggang kanyang mga kababata sa San Juan. Bonafide resident, ika nga.

By the way, si Jana rin pala ay kumuha ng kursong Public Administration sa UP at Strategic Management Course sa AIM.

Kartada diyes si Jana sa lahat ng aspeto ng kanyang pagiging pulitiko kaya naniniwala tayong tinitingnan din siya ng mga taga-San Juan bilang top contender sa congressional race.

Jana All!

***

Hindi naman tayo makapaniwala na tatalbugan ng tseke ang Sofitel mula sa mismong kakontrata nito sa Presidential debate series.

Dahil sa pagputok ng bouncing check issue, maganda sigurong ilatag ng Comelec sa publiko kung paanong nakuha ang kontrata ng debate na ito dahil malaking pera pala ang pinag-uusapan dito.

Mahalaga ring malaman ng publiko kung may ibang kompanya pa bang sumali sa bidding para sa debate? Kung mayroon, anu-anong kompanya ito at sinu-sino ang mga incorporators ng mga ito?

Hindi kasi puwedeng may conflict of interest ang sinuman sa kompanyang gustong humawak ng debate dahil usapin ito ng parehas na laban.

Sorry, nakakabigla kasing maglalabasan ang bouncing checks angle sa isang national event gaya ng Presidential debates dahil kritikal ito para sa mga botante.

Ang sabi ngayon ng kompanyang natalbugan ang tseke, isang kaso lang ito ng miscommunication kaya walang dapat ipag-alala ang Sofitel. Kaya pala may demand letter na.

Sinong kompanya kaya ang hindi matataranta kung P14 million worth ang tumatalbog sa iyong harapan habang ikaw ay naniningil?

Sana lang ang maayos na ito para hindi magsara ang Sofitel dahil sa pagkalugi sa Presidential debate.

allanpunglo@gmail.com