Legarda, Tulfo tabla

May 2, 2022 People's Tonight 196 views

Sa top spot ng Pulse Asia Survey

VIRTUAL tie o halos tabla sa pang-unang pwesto sina broadcaster Raffy Tulfo at dating senador Loren Legarda sa katatapos na Pulse Asia Senatorial Preference Survey.

Sa naturang survey na ginanap noong Abril 16-21, 2022, nakakuha si Tulfo ng 50.4% voter preference, dikit sa 49.4% na nakuha ni Legarda. Dahil sa isang porsyentong pagkakaiba, itinuturing ng Pulse Asia na tabla ang puwesto nina Tulfo at Legarda sa pang-una at pangalawang puwesto sa tinatawag na “Magic 12.”

Sinusundan naman ang dalawang lider sa survey nina action star Robin Padilla (42.9%); Taguig Rep. Alan Peter Cayetano (42.3%); Sorsogon Gov. Chiz Escudero (38.6%); Sen. Win Gatchalian (37.0%); Sen. Migz Zubiri (37.0%); dating public works secretary Mark Villar (35.9%); dating senator JV Ejercito (34.3%); dating Bise Presidente Jojo Binay (32.5%); Sen. Riza Hontiveros (32.3%); at dating senador Jinggoy Estrada (32.3%).

Isang linggo bago ang halalan sa Mayo 9, hindi natitinag sa pinakatamataas na puwesto sa iba’t-ibang survey si Legarda. Bukod sa Pulse Asia, nangunguna din ang beteranong mambabatas sa survey ng OCTAResearch at ng Pulso ng Pilipino Survey ng The Issues and Advocacy Center (The Center).

Batay sa Pulso ng Pilipino survey, nakuha ni Legarda ang 60% lead sa kabuuang 64-na mga senatorial candidates. Isinagawa ang naturang survey noong Abril 4-15, 2022.

Sa kabuuang 2,440 respondents mula sa National Capital Region, Luzon, Visayas at Mindanao, nanguna si Legarda sa listahan ng mga tumugon sa survey, sumunod lamang si Sorsogon Gov. Chiz Escudero na may 58 percent.

Sa kabila ng mataas na ‘survey result’ sinabi ni Legarda na lalo pa niyang pag-iibayuhin ang paglapit sa taumbayan upang maisulong ang kayang ‘legislative agenda’ na nakatuon sa ‘economic recovery’ sa harap na rin ng matinding epekto ng Covid-19 pandemic.

Ang Pulso ng Pilipino Survey ay nilahukan ng mga rehistradong botante mula sa lahat ng antas ng lipunan na ang edad ay mula 18 – 65 na taong gulang.

AUTHOR PROFILE