Leave Toni Gonzaga alone

September 22, 2021 Allan L. Encarnacion 434 views

Allan EncarnacionHINDI ko naman alam kung saan humugot ng kapangyarihan ang Ateneo Martial law Museum para panghimasukan ang naging interview ng aktres na si Toni Gonzaga kay former Senator Bongbong Marcos na anak ni former President Ferdinand Marcos.

Binigyan ko ng diin ang pagiging anak ni Macoy si Bongbong kasi iyon ang punto de vista sa batikos ng mga taga-Ateneo kay Gonzaga na naglabas ng kanyang vlog ng pakikinayam sa dating senador.

Ang sabi ng mga taga-Ateneo, ang interview ni Toni ay naging instrumento para pagtakpan ang mga “ginawa” ng tatay niyang si Marcos.

Mistula umanong nagpagamit si Toni para “pintahan ng puti” ang para sa kanila ay habambuhay na kulay itim.

Paano ba dapat balansehin ang ganitong galit ng mga taga-Ateneo sa nangyaring interview kay Bongbong?

Matapos ang 1986 People Power revolution, sangkatutak ang lumabas na libro na laban kay Marcos.

Naging bahagi pa ng Philippine history book ang mga babasahing ito.

Kung ang tatanungin natin ay ang mga taong nakapaligid kay Marcos at ang mga taong gusto sa pamamahala ni FM, sasabihin din nating nasa posisyon sila para kuwestiyunin at batikusin ang mga author ng libro.

Pero dahil ang universal law of revolution ay winners ang sumusulat ng kasaysayan, wala namang nagawa ang lahat ng sektor kung hindi lunukin ang kanilang mga iniakda. Dahil nga sila ang nanalo sa rebolusyon, ang pagsulat nila laban sa Marcos ay “freedom of speech” at healthy democracy ang kanilang ginawa.

Ngayong si Toni Gonzaga na may sariling freedom of speech, gumagalaw sa demokratikang bansa na tinutungtungan din ng Ateneo Martial Law Museum, gamit ang sarili niyang vlog at sariling istilo, bakit gusto natin siyang apakan at tirisin?

Kahit sino sa atin ay may pantay na karapatan kahit pa si Lucifer or si Kristo pa ang gusto nating ma-interview. Ang punto natin dito, walang sinuman sa atin ang puwedeng magdikta ng magiging laman ng vlog ni Toni Gonzaga in the same manner, wala ring karapatan ang kahit sino na maglagay ng Looney toons characters sa kahit saang martial law museum.

Ang problema talaga sa bayang ito, may kanya-kanyang sukatan ng marolidad at may kanya-kanyang pagtingin sa kulay.

Kung hindi natin gusto ang laman ng vlog ni Toni, puwede naman tayong sumigaw sa galit pero wala tayong karapatang pakialaman at diktahan ang gustong talakayin ni Toni.

Sabi nga sa Ingles, we can disagree without being disagreeable. Respetuhan lang ang susi ng maayos na pananatili sa lipunan, wala tayong pakialaman hangga’t hindi tayo nakakapinsala.

Katulad din ng pagtrato ng mga taga- Ateneo kay Ninoy bilang bayani at pagtrato kay Cory bilang Santa, it’s your call, it’s your freedom of speech and it’s the freedom of your soul!

Leave Toni Gonzaga alone.

allanpunglo@gmail.com