Ariel Inton

LCSP: Mobility ng mga botante paghandaan

November 2, 2021 Jun I. Legaspi 136 views

NANAWAGAN ang commuter at transport group sa pamahalaan na paghandaan ang mobility ng mga botante sa May 2022 elections.

Particular na sinentro ni Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters and Protection (LCSP), ang panawagan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil na rin sa inaasahang pagdagsa ng mga botante na umuuwi sa kanilang mga probinsya para bumoto.

Ayon kay Inton, personal nya itong nasaksihan noong 2016 presidential elections nang Board Member siya ng agency noon.

“Maihahantulad natin ang dami ng pasahero sa panahon ng halalan sa dami kapag magpa-Pasko. Nakadestino ako noon sa may Araneta bus station dalawang araw bago ang eleksyon,” ani Inton.

Ayon kay Inton, nagbigay sila ng mga special permit sa daan-daang bus upang maihatid ang nga pasahero para makaboto.

“Ang iba nga ay mukhang nagahol pa kaya’t gumawa ang inyong lingkod ng paraan na maisakay sila ng mas maaga para umabot sa araw ng halalan. Grabe ang dami ng tao na gustong makauwi upang maiboto nila ang napupusuang kandidato sa kani-kanilang bayan. Sinasabi ng ilang mga health experts na maaaring umabot pa ng election ang pandemya. Kung ganun ay kailangan mapaghandaan ang mobility ng mga botante lalo na ang mga manggagaling Metro Manila pauwi ng mga lalawigan. Hindi pwede na tulad pa rin noong 2016 na siksikan at unahan sa pagsakay dahil masasakripisyo ang social distancing,” saad ni Inton.

Mungkahi ni Inton na isipin ng Commission on Election (COMELEC) kung maaaring magkaroon ng sistema na maaring makaboto sa Metro Manila ang mga rehistrado sa probinsya.

Baka ganun din sa ibang lugar na malalayo sa mga polling places na kakailanganin pa ang mga sasakyan para makaboto. Ang ibang pulitiko ay may “hakot system” para maihatid ang mga botante na walang masasakyan.

Kung may sistema na makakaboto sila sa kanilang mga lugar ng hindi na kailangan hakutin ng pulitiko ay mapapangalagaan ang social distancing at mapipigilan ang “paghakot” ng mga tiwaling mga pulitiko, ani Inton.

“ Mahalaga ang bawat boto. At magagawang pangalagaan ang boto at kalusugan kung may sapat na masasakyan ang mga botante sa araw ng halalan. Pagisipan natin at paghandaan habang may sapat pang panahon bago ang eleksyon, saad pa ni Inton.

AUTHOR PROFILE