Default Thumbnail

LCSP hiniling kay PBBM na bagong liderato ang kailangan sa DOTr

May 24, 2022 Jun I. Legaspi 388 views

MARAMING polisiya na umiiral na nagpahirap sa naghihikahos na sektor ng transportasyon, ayon kay Atty. Ariel Inton, presidente ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP).

Kaya naman nang napabalitang maaaring i-retain ang kasalukuyang liderato sa Department of Transportation (DOTr) ay marami ang pumapalag at nagmamakaawa kay Presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na iba namang kalihim sana at iba namang mga pang pinuno sa Departamento ang kanyang italaga, saad ni Inton.

Ayon pa kay Inton, tila ba nagkaroon na ng “phobia” ang mga lider ng sektor ng transportasyon.

Para sa LCSP, kung sino man ang umupong DOTr secretary, ang mahalaga ay tuldukan niya ang mga “pahirap policies” na ang iba ay minana pa mula sa administrasyong Aquino at itinuloy ng Duterte Administration.

Tulad ng Joint Administrative Order (JAO) 001 ng DOTr, Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTO-LTFRB) na nagpapataw ng napakalaking multa at dinadamay pa ang mga units na wala namang violation dahil lamang paloob sa prangkisa ng unit na nahuli.

Kinakailangan ay aktibong magbigay ng mga nominasyon ng maaaring maging kalihim ng DOTr ang public transport sector upang mapagpiliang mabuti ng papasok na bagong administrasyon.

Mas mainam na manggaling ang mga bagong lider sa mismong sector ng transportasyon, dagdag ni Inton.

Ang LCSP ay umaasa na sa ilalim ng pamunuan ng susunod na Pangulong Bongbong Marcos ay itatalaga niya ang isang kalihim na mapaganda ang public transport para sa mga pasaherong Pilipino. By Jun I. Legaspi

AUTHOR PROFILE